Mariing itinanggi nina Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III at Senador Panfilo “Ping” Lacson ang mga paratang ni Senadora Imee Marcos na nagkakaisa silang harangan ang posibleng pagtakbo sa pagkapangulo ni Vice President Sara Duterte sa 2028.
Ayon kay Sotto, maling impormasyon ang nakarating kay Marcos ukol sa umano’y plano na ipatawag ang Kongreso bilang isang constituent assembly (conass) upang palawigin ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng mga kasalukuyang mambabatas.
Una rito, ibinunyag ni Sen. Marcos sa isang panayam na may sabwatan umano sa Senado upang itaas ang age requirement ng pagkapangulo mula 45 patungong 50 taong gulang—isang hakbang na tahasang magdidiskwalipika kay VP Sara.
Idinihin pa ni Marcos na nakipagpulong si Sotto kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa isang restawran sa Pasay upang pag-usapan ang Charter Change (Chacha).
Kinumpirma ni Sotto na naghapunan sila ni Speaker Dy kasama ang ilang kaibigan sa golf, ngunit nilinaw niyang walang naganap na kasunduan ukol sa Chacha.
“Mali siya (Marcos), tama si Ping. Hindi namin pinag-usapan ang conass. Nabanggit lang ni Speaker Bojie ang ideya ng ‘regional senate representation’ ngunit hindi ko sinabing sang-ayon ako rito. Hindi marunong makinig ang source niya,” ani Sotto.
Idinagdag pa ni Sotto na pabiro pa nga niyang sinabi sa hapunan na kung magkakaroon man ng amiyenda sa Konstitusyon, mas gusto niyang ibaba ang age requirement para sa Pangulo at Senador.
“Kuwentuhang magkakaibigan lang ‘un. Nagkaroon lang ng maling hinala ang tsismoso o ‘eavesdropper’ na nakarinig,” giit ng Minority Leader.
Tinawag naman ni Senador Ping Lacson na “purong kasinungalingan” ang mga kuwento ni Marcos. Ayon sa kanya, posibleng ginagawa ang mga ganitong isyu upang ilihis ang atensyon ng publiko sa nalalapit na impeachment trial ng Bise Presidente sa Senado.
“Kasinalungalingan ‘yan. Kailanman ay hindi namin pinag-usapan ang Chacha sa aming mga caucus. Madalas kaming magpulong pero hindi ‘yan kasama. Hindi ko alam kung saan galing ang mga kuwentong ‘yan,” pahayag ni Lacson sa panayam ng True FM.
Sumali na rin sa usapin si Senate President Alan Peter Cayetano na nag-akusa sa grupo nina Sotto at Lacson na muling binubuhay ang Chacha upang guluhing ang kanyang “fragile majority” at bawiin ang liderato ng Senado bago magsimula ang impeachment trial ni Duterte sa Hulyo.
Gayunpaman, kapwa kilala sina Sotto at Lacson na tutol sa Chacha, habang sina Cayetano at Marcos lamang ang aktwal na nag-uusap ukol sa mga amiyenda sa Saligang Batas.
Una nang inihayag ni Sotto na si Marcos ang isa sa mga nag-udyok ng kudeta sa Senado dahil sa sama ng loob matapos itong matanggal bilang chair ng Foreign Relations Committee.
Itinanggi naman ito ni Marcos at sinabing hindi masaya ang mga senandor sa ginagawang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee ni Lacson ukol sa pondo ng flood control project ng pamahalaan, kung saan sangkot umano ang ilang mambabatas na bumoto sa pagpapatalsik kay Sotto.
