Kinumpirma ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) na may hawak silang impormasyon na nagpapahiwatig na may ilan pang indibidwal ang nakatakdang isunod na isyuhan ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang press conference ngayong Sabado, Mayo 23, 2026, inihayag ni NBI Director Melvin Matibag na bukod sa kasalukuyang manhunt operations laban kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, patuloy na binabantayan ng ahensya ang mga ulat hinggil sa iba pang personalidad na nadadadawit sa imbestigasyon ng ICC sa nakaraang “war on drugs.”
“We understand, we have information that there are, there are severals na, na maiisyuhan pa ng warrant ng ICC,” pahayag ni Matibag nang tanungin ng media ukol sa posibilidad ng mga bagong warrant.
BASAHIN: P92.8-M FLOOD CONTROL PROJECT SA KASO NI BONG REVILLA, WALANG ‘MATERIALS TEST REPORT’
Bagamat kinumpirma ang ulat, tumanggi muna ang NBI chief na pangalanan kung sino-sino ang mga karagdagang indibidwal na ito upang hindi maunahan o mabigyan ng pagkakataon ang mga ito na makapagtago o makalabas ng bansa.
Ayon kay Matibag, mayroon nang itinalagang protocol ang pambansang kawanihan sa pagsisilbi ng mga warrant at handa silang ipatupad ang utos ng batas nang walang kinatatakutan o kinikilingan, sino man ang matamaan nito.
Sa kasalukuyan, itinuturing na ng NBI na “fugitive from justice” si Dela Rosa matapos itong tuluyang mawala sa compound ng Senado noong madaling araw ng Mayo 14, kasunod ng pagbasura ng Korte Suprema sa hiling nitong Temporary Restraining Order (TRO) laban sa warrant ng ICC.
