Screenshot mula sa video ng Bombo Radyo
Kasunod ng pormal na direktiba ng administrasyong Marcos na tugisin ang mambabatas at International Criminal Court (ICC) suspect na si Senator Ronald “Bato” dela Rosa, muling nabuhay ang panawagan ng publiko sa liderato ni dating PNP Chief at kasalukuyang MMDA General Manager Nicolas Torre III.
Si Torre ay kilala sa kaniyang mga matagumpay na operasyon na nagresulta sa pagkakadakip kina Apollo Quiboloy at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kabila ng kanilang ugnayan sa serbisyo, tiniyak ni Torre na gagampanan niya ang kaniyang tungkulin sakaling magkaroon ng kautusan.
“‘Pag President ang nag-utos, automatic no choice, ‘di ba?” pahayag ni Torre sa isang forum nitong Biyernes, Mayo 22, 2026.
Ayon sa opisyal, ang pagpapatupad ng batas ay nakasalalay sa institusyon at hindi sa personal na relasyon.
Ang pahayag ay ginawa ni Torre matapos muling magtago si Dela Rosa noong Mayo 14, tatlong araw matapos nitong kuwestiyunin ang kaniyang warrant para sa crimes against humanity na nag-ugat sa war on drugs.
Bagamat nagpalabas ng pormal na utos ang pamahalaan nitong Huwebes, muling nakawala ang mambabatas matapos dumaan sa proteksyon ng Senado.
Ang kabiguang ito ng mga otoridad, kabilang ang NBI noong Mayo 11, ang nagtulak sa publiko na hanapin ang taktikal na kahusayan ni Torre.
Si Torre ay mabilis na umakyat sa pwesto bilang CIDG chief noong Setyembre 2024 at naging PNP chief noong Mayo 2025 bago natanggal noong Agosto 2025 dahil sa pakikipagtagisan ng paninindigan kay Interior Secretary Jonvic Remulla ukol sa mga polisiya sa pambansang pulisya.
BASAHIN: REP. LEVISTE, POSIBLENG HINDI NA TUMAKBO SA SUSUNOD NA ELEKSYON
Sa huli, binalikan ni Torre ang naging pagbisita ni Remulla sa Senado noong Mayo 13 kung saan hindi isinakatuparan ang pag-aresto sa mambabatas.
Pabirong winika ni Torre na hindi sakop ng MMDA ang gusali ng Senado dahil hindi naman ito isang landfill o daanan ng tubig.
Gayunpaman, sa isang seryosong panayam sa DZBB, nilinaw niyang kaisa ang kaniyang ahensya sa whole-of-government approach at nakahandang mag-abot ng suporta kung ang anumang hakbang sa pagtunton sa senador ay papasok sa saklaw ng MMDA.
