Mananatili sa loob ng piitan ng isa pang taon si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos ibasura ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang kaniyang hirit na pansamantalang kalayaan.
Sa walong pahinang desisyon na ilinabas ng trial chamber nitong Biyernes, Mayo 22, 2026, pormal na ipinag-utos ng mga hukom ang patuloy na pagkakakulong ng dating lider ng Pilipinas.
“The chamber hereby decides that the accused shall continue to be detained,” saad sa hatol.
Sa ilalim ng patakaran ng ICC, sumasailalim sa taunang rebyu ang pagkakakulong ng isang akusado upang tingnan kung may mga sapat na pagbabago sa kaniyang sitwasyon na magbibigay-daan sa pansamantalang kalayaan, ngunit binigyang-diin ng korte na walang nakitang sapat na batayan upang palayain si Duterte, may piyansa man o wala.
Sa ilalim ng Rome Statute, ang kasunduang nagtatag ng ICC, hindi maaaring bigyan ng pansamantalang laya ang isang suspek kung mayroon itong mga risk factors gaya ng banta ng pagtakas, panghihimasok sa hustisya sa pamamagitan ng pagbabanta sa mga saksi, o ang posibilidad ng muling paggawa ng kaparehong krimen.
BASAHIN: TORRE, HANDANG ARESTUHIN SI BATO KUNG IUTOS NI MARCOS
Ayon sa trial chamber, ang pormal na pagpapatibay ng Pre-Trial Chamber I sa mga sakdal laban kay Duterte noong nakaraang Abril—na nagpirmis sa tatlong bilang ng kasong crimes against humanity—ay lalo pang nagpataas sa banta na maaari itong tumakas sa halip na humarap sa kaniyang nalalapit na paglilitis.
Batay sa batas at jurisprudence ng korte, ang kumpirmasyon ng mga kaso ay nagpapatatag sa katwiran na dapat manatiling nakakulong ang isang akusado.
Sinubukan namang itulak ng mga abogado ng dating Pangulo ang kaniyang pagpapalaya dahil sa umano’y lumalalang kondisyon ng kaniyang kalusugan, kung saan iginiit ng depensa na madalas umanong matumba si Duterte dahil sa kawalan ng balanse.
Gayunpaman, base sa isinumiteng ulat ng tatlong medikal na eksperto na itinalaga mismo ng ICC, binalewala ng mga hukom ang katwirang ito at sinabing walang sapat na medikal na batayan upang baguhin ang kaniyang detensyon.
Idinagdag din ng korte ang tahasang hindi pagkilala ni Duterte sa hurisdiksyon ng ICC, na naging dahilan ng kaniyang hindi pagdalo sa mga nakaraang pagdinig, bilang patunay na hindi ito susunod sa anumang kautusan ng hukuman kung sakaling pakawalan ito mula sa kustodiya.
Bukod dito, laking sagabal din sa hiling ni Duterte ang kaniyang nananatiling malawak na impluwensya, koneksyon, at yaman sa Pilipinas.
Ayon sa trial chamber, ang kaniyang pamilya at mga tapat na tagasuporta ay may kakayahang tumulong sa kaniya upang takasan ang hustisya o harangin ang takbo ng imbestigasyon sa ilalim ng Article 58 ng Rome Statute, kaya’t nananatiling mataas ang panganib kung hahayaan itong makalabas.
Sa kasalukuyan, wala pang naipapanalong apela o mosyon si Duterte sa ICC matapos ibasura ang kaniyang mga naunang hirit noong Oktubre 2025 at Marso ng taong ito, gayundin ang kaniyang pagtatangkang iapela ang mismong kumpirmasyon ng kaniyang mga sakdal.
Samantala, nagpalabas na rin ng hiwalay na abiso ang trial chamber ukol sa gaganaping unang status conference ng kaso sa Mayo 27, 2026 mula alas-9:30 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon, oras sa Hague.
Sa nasabing pagtitipon, tatalakayin ng magkabilang panig ang mga teknikal na bahagi ng kaso gaya ng opisyal na petsa ng pagsisimula ng buong paglilitis, ang mga isusumiteng ebidensya at paggamit ng expert witnesses, gayundin ang wikang gagamitin sa korte.
Nabatid na mananatiling tago sa mata ng publiko si Duterte dahil pormal nitong binitawan o ni-waive ang kaniyang karapatan na dumalo sa komperensya, na bagamat bukas sa publiko ay maaari ding gawing isang private session ng mga hukom upang maprotektahan ang seguridad ng mga saksi at mga sensitibong impormasyon.
