Pinagtibay muli ni Mayor Jeannie Sandoval ang pangako ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon na ilapit ang mahahalagang serbisyong pangkalusugan at panlipunan sa bawat mamamayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng “Walang Tulugan Serbisyo Caravan.”
Ang dambuhalang aktibidad na ito ay isinagawa bilang bahagi ng engrandeng pagdiriwang ng ika-427 Founding Anniversary ng lungsod ngayong buwan ng Mayo 2026.
Ayon kay Mayor Jeannie, ang nasabing inisyatiba ay hindi lamang basta bahagi ng pagdiriwang ng mayamang kasaysayan at kultura ng Malabon, kundi isang bulas at konkretong pagkakataon upang mas palakasin pa ang mga programa na direktang pakikinabangan ng mga lokal na residente.
Ipinaliwanag ng alkalde na ang programang ito ay mahigpit na nakahanay sa kaniyang Pag-Ahon agenda, partikular na ang Agenda 8 o ang Libreng Serbisyong Pangkalusugan sa ilalim ng kaniyang kilalang Lucky 9-Point Agenda na nakatutok sa kalusugan, pagpapasigla ng lokal na ekonomiya, at kapakanang panlipunan.
“Ang tunay na diwa ng pagdiriwang ng ating Anibersaryo ng Pagkakatatag ay ang pagsiguro na bawat Malabueño at bawat tahanan ay patuloy na uunlad at mapapanatili ang mabuting kalusugan. Layunin ng pamahalaan na mas mailapit pa ang serbisyo sa ating mga kababayan,” pahayag ni Mayor Jeannie na nangakong titiyakin na walang maiiwang sektor sa lungsod.
BASAHIN: DA SEC. GUEVARRA, NAG-INSPEKSYON SA MEGA-Q-MART
Sa pamamagitan ng malawak na caravan, ang mga residente ay biniyayaan ng libreng access sa mga medikal at dental na konsultasyon, Yakap registration, Help Desk para sa mga problema sa birth certificate, libreng legal consultation, at asistensya mula sa Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO).
Bukod dito, naging tampok din sa mga komunidad ang Malabon Mobile Services na nag-ikot upang magkaloob ng libreng mobile shower, laundry o labahan, water station, charging services, pamamahagi ng hotmeals, libreng gupit, pedicure, at masahe para sa mga dumalong residente.
Binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng pagpapanatili ng mga programang nagtataguyod ng healthcare accessibility at social protection upang patuloy na mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga Bulakenyo, partikular na ang mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, at mga kapus-palad na pamilya.
Buong-puso namang nagpasalamat ang mga residente sa pamahalaang lungsod sa pagdadala ng tulong nang direkta sa kanilang mga barangay, habang sinegundahan naman ito ni City Administrator Dr. Alexander Rosete na nagsabing ang tagumpay ng lungsod ay nag-ugat sa pagkakaisa at isang uri ng people-centered governance.
