Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na may umiiral na malinaw na proseso sa ilalim ng Saligang Batas kung paano pupunan ang posisyon ng Bise Presidente ng Pilipinas sakaling mabakante ito dahil sa impeachment o iba pang kadahilanan.
Sa ginanap na forum sa Kapihan sa Manila Bay, binigyang-diin ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na bilang bahagi ng isang teoretikal at “academic discussion,” ang mga miyembro ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso ang may direktang papel sa ganitong senaryo.
Ayon kay Garcia, nakasaad sa Article VII, Section 9 ng 1987 Konstitusyon na kapag nabakante ang pwesto ng Bise Presidente, hindi ito awtomatikong napupunan ng kung sinomang opisyal. Sa halip, ang Pangulo ang magno-nomina ng bagong Bise Presidente na magmumula mismo sa mga kasalukuyang nakaupong Senador o Kongresista.
“In case of vacancy sa posisyon ng Vice President, ang papalit po diyan ay pipili ang Pangulo ng isa sa mga miyembro ng Senado o Mababang Kapulungan,” ani Garcia.
BASAHIN: NBI may ‘leads’ na sa kinaroroonan ni Sen. Bato; Matibag pinagre-resign si SP Cayetano
Gayunpaman, nilinaw ng pinuno ng Comelec na hindi sapat ang nominasyon lamang ng ehekutibo. Upang opisyal na maupo ang piniling mambabatas, kinakailangan nitong makakuha ng pagsang-ayon o kumpirmasyon mula sa mayorya ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa pamamagitan ng magkahiwalay na botohan (voting separately).
Upang maaprubahan, kailangang makuha ng nominado ang boto ng hindi bababa sa 13 Senador (mayorya ng 24 na upuan) at humigit-kumulang 150 Kongresista (mayorya ng kabuuang bilang ng Kamara).
Ipinaalala rin ni Garcia na nagkaroon na ng ganitong prebidente sa kasaysayan ng bansa noong 2001. Nang mag-assume bilang Pangulo si Gloria Macapagal-Arroyo matapos ang EDSA II, pinili niya ang noo’y Senador Teofisto Guingona Jr. bilang kanyang Bise Presidente, na matagumpay namang kinumpirma ng Kongreso.
Ipinaliwanag ito ng Comelec matapos matanong ang komisyon ukol sa magiging epekto sa halalan ng mga maiinit na usaping pampulitika sa bansa, kabilang ang mga diskusyon ukol sa impeachment.
Nanindigan naman ang komisyon na mananatili silang patas at walang kinikilingan sa pagpapatupad ng mga batas-electoral sa bansa.
