Muling gaganapin ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon ang taunang La Loma Lechon Festival ngayong araw, Mayo 17, kasabay ng kapistahan ng kanilang patrona na si Nuestra Señora de Salvacion de La Loma.
Ang pagbabalik ng sikat na kapistahan ay pormal na pagkilala sa distrito ng La Loma bilang pambansang “Lechon Capital” ng Pilipinas.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, ang pagdiriwang na ito ay higit pa sa simpleng pista ng pagkain, dahil sumasalamin ito sa kultura, pananampalataya, at kabuhayan ng mga taga-QC.
BASAHIN: SP Cayetano, Legarda ikinahiya ng sariling eskwela
“Kapag ipinagdiriwang natin ang La Loma, sinusuportahan din natin ang ating mga lokal na negosyo, mga manggagawa sa turismo, mga artista, at ang ating mga lechoneros na nagpapanatili sa tradisyong ito sa loob ng ilang henerasyon,” pahayag ni Belmonte.
Bilang bahagi ng pagpapakalat ng turismo sa lungsod, inaasahang ilulunsad din ng alkalde ang “La Loma Gastronomic Map,” na magsisilbing gabay para sa mga turista upang matukoy ang mga pinakatampok at pinakamasasarap na kainan ng lechon sa buong distrito.
Bukod sa tradisyunal na prusisyon ng patron, pinalasap pa ang selebrasyon sa pamamagitan ng paligsahan ng mga lechoneros at espesyal na cooking demo ni Chef Tatung Sarthou.
Umarangkada rin ang Parada ng mga Lechon, mga larong Pinoy, at ang enggrandeng community boodle fight, habang pinaligiran naman ang buong distrito ng mga pangkulturang pagtatanghal at lokal na bazaar na tatapusin sa pamamagitan ng isang engrandeng fireworks display.
