Umaani ngayon ng matinding galit at pagkondena mula sa hanay ng mga estudyante at kabataan ang bagong pamunuan ng Senado kasunod ng naganap na “coup” o balasahan sa liderato na nagluklok kay Senate President Alan Peter Cayetano at Senate President Pro Tempore Loren Legarda.
Ayon sa mga student leaders, ang biglaang pagpapatalsik kay dating Senate President Vicente Sotto III ay malinaw na hakbang upang “upuan” o harangan ang napipintong impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte, bukod pa sa naging kontrobersyal na pagtatago at “pagtakas” ni Senador Bato dela Rosa sa loob mismo ng Senado.
Sa isang hindi inaasahang pagkakataon, isinantabi ng dalawang pinakamalaking student political parties sa University of the Philippines (UP)—ang Sandigan para sa Mag-aaral at Sambayanan (Samasa) at Nagkakaisang Tugon (Tugon)—ang kanilang matagal nang katunggalian upang maglabas ng iisang joint statement na humihiling sa pagbibitiw ni Cayetano bilang Pangulo ng Senado.
Naging masakit para kay Cayetano ang naturang panawagan dahil nagmula siya sa hanay ng Nagkakaisang Tugon noong siya ay councilor pa ng UP Student Council.
Binatikos siya ng kaniyang mga dating kasamahan sa unibersidad dahil sa ginawa nitong pag-protekta kay Senador Bato dela Rosa na nagdulot lamang ng kaguluhan, barilan, at pagtakas nito sa batas.
Ayon sa mga lider-estudyante, isang malaking kabiguang-hudisyal ang ginawa ni Cayetano dahil hindi pwedeng gamitin ang kapangyarihan ng Senado para harangan ang pag-aresto sa isang indibidwal at maghugas-kamay na lamang kapag ito ay biglang nawala.
Hindi rin pinalampas ng mga estudyante si Sen. Loren Legarda, 66, na nagtapos bilang valedictorian sa elementarya at high school sa Assumption College San Lorenzo, at nag-cum laude naman sa UP Broadcast Communication.
BASAHIN: Mariel: Robin ‘di deserve ng mga kritiko
Ipinag-utos ng Assumption Student Council (ASC) ang tuluyang pagtatanggal sa larawan ni Legarda mula sa prestihiyosong “Wall of Empowered Women” ng paaralan.
Ayon sa ASC, ang kaniyang naging desisyon na kumalas sa dating mayorya ni Sotto para makuha ang kaniyang bagong mataas na posisyon ay hindi na sumasalamin sa “moral courage at integridad” na itinuturo ng Assumption.
Kinondena rin ng UP Broadcasting Association, kung saan naging presidente si Legarda noon, ang senadora dahil mas pinili umano nito ang “pampulitikang kaligtasan at pakikipagkasundo sa mga dinastiya” kaysa sa pananagutan sa publiko.
Bilang depensa, iginiit ni Cayetano na ang balasahan sa Senado ay kailangan para sa “bagong direksyon” ng bansa at itinangging layon nitong i-railroad ang impeachment trial ni VP Sara.
Sa halip na makipag-away, nanawagan na lamang si Cayetano para sa isang “prayer and reflection campaign.”
Pumalag din ang koalisyong Youth Against Kurakot (YAK) at mga student leader mula sa PUP na nagsabing mas inuna pa ng bagong liderato ng Senado ang personal na interes kaysa sa paggulong ng hustisya.
