Nilinaw ng aktres at celebrity live-seller na si Mariel Rodriguez-Padilla na pabor siyang ituloy ng kaniyang asawang si Senador Robinhood “Robin” Padilla ang karera nito sa pulitika at tumakbo bilang reelectionist sa darating na 2028 National Elections.
Sa kaniyang naging panauhin sa pinakabagong episode ng “Imee&You” podcast ni Senador Imee Marcos, hiningan ng reaksyon si Mariel ukol sa mga naging ugong na plano ng kaniyang asawa na magretiro na sa Senado pagkatapos ng kaniyang unang termino dahil sa tindi ng pamumulitika at character assassination.
Ipinaliwanag ni Mariel na ang kaniyang naunang viral statement kung saan sinabi niyang “They don’t deserve him” (Hindi siya nararapat para sa kanila) ay patama lamang niya sa mga kritiko at online bashers ng kaniyang asawa, at hindi para sa pangkalahatang publiko.
“Ang pinag-uusapan kasi noon, nung sinabi kong they don’t deserve him, ang tinutukoy ko lang ay ‘yung mga taong nagsasalita ng masama laban sa kaniya. Pero napakaraming tao—ang mga kapatid nating Muslim, ang mga indigenous groups—ang daming tao na umaasa sa kaniya,” pahayag ni Mariel.
Ayon pa sa aktres, bagamat inis na inis siya minsan kapag “kinakaladkad” siya sa mga pampublikong usapin, nakikita niya ang busilak na puso ng kaniyang asawa na tumulong nang walang hinihintay na kapalit, kahit pa mapahamak o mapasama ang kaniyang sariling pangalan.
Kaya naman nang tanungin siya ni Sen. Imee kung nais ba niyang magpatuloy sa pulitika ang aktor-pulitiko, isang mabilis na “yes” ang sagot ng maybahay ng senador dahil marami pa umanong biting mga panukalang batas na kailangang matutukan.
“Para sa akin, hindi pa po tapos. Marami pang hindi natututunan ng pansin… Ang dami pong lalo na dahil tayo ay, ako, gusto ko tumakbo siya ng reeleksyon. Daming bitin, daming kailangan gawin. Kaya we still need him. Robin, we need you. Huwag kang magsasabi ng ganyan (na magreretiro),” dagdag ni Mariel.
BASAHIN: Bato tinulungang tumakas ng pulis?
Sinegundahan naman ni Sen. Imee Marcos ang pahayag ni Mariel sa pamamagitan ng pagbabahagi ng isang kuwento sa loob ng Senado. Ayon kay Imee, saksi siya kung paano mag-alala at mag-panic si Sen. Robin bilang Chairman ng Committee on Foreign Relations noong kainitan ng pagka-kidnap sa mga marinong Pilipino ng mga pirata sa Gitnang Silangan.
“Ngarag na ngarag siya noon, he was so upset. Sabi niya, ‘We have to do something… Kausapin natin, kailangan mapalaya ‘yung mga Pilipino.’ Talagang porsigido siya. Sabi niya, ‘Pupunta ako doon, suwagin natin.’ Dangerous ‘yun ha, pero it doesn’t matter sa kaniya basta may nangangailangan ng tulong,” kuwento ni Imee, na kinalaunan ay humantong din sa matagumpay na pagpapalaya sa mga naturang seaman.
