Bilang bahagi ng patuloy na kampanya upang mapaluwag ang nagpapatuloy na siksikan sa New Bilibid Prison (NBP), matagumpay na inilipat ng Bureau of Corrections (BuCor) nitong Sabado, Mayo 16, ang isa namang batch ng 500 Persons Deprived of Liberty (PDLs) patungo sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Puerto Princesa, Palawan.
Pinangunahan ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang estratehikong paglilipat na ito bilang solusyon sa matagal nang problema ng overcrowding sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga bilanggo sa iba pang penal farms sa bansa.
BASAHIN: First baby isinilang sa bagong bukas na Pampanga Provincial Hospital sa Clark
Ayon kay Catapang, ang decongestion drive ay bahagi rin ng mas malawak na reporma sa kriminal na hustisya ng administrasyon upang mapabuti ang pampublikong kaligtasan at karapatang pantao.
Inamin ng opisyal na ang New Bilibid Prison, na itinayo pa noong 1940, ay dumaranas ng matinding pagsisiksikan na nagiging malaking hamon sa seguridad, kalusugan, kapakanan, at rehabilitasyon ng mga preso. Ang pasilidad na idinisenyo lamang para sa 11,000 inmates ay patuloy na naglalaman ng higit sa doble ng kapasidad nito.
Inilahad din ni Catapang na ang hakbang na ito ay hindi lamang pansamantalang lunas, kundi bahagi ng paghahanda para sa planong tuluyang pagsasara ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa.
“Ang ating layunin ay isang correctional system kung saan ang mga PDL ay makapagsisilbi ng kanilang hatol sa isang makataong kapaligiran na nagtataguyod ng rehabilitasyon at tamang pagbabalik sa lipunan,” pahayag ni Catapang.
Para sa taong ito, target ng BuCor na mailipat ang kabuuang 7,500 PDLs mula sa Bilibid patungo sa iba’t ibang operating prisons at penal farms ng kawanihan sa buong Pilipinas.
Sa ilalim ng mas maluwag na kapaligiran sa Iwahig, inaasahang mas magiging epektibo ang mga programa para sa pagbabagong-buhay ng mga preso bago sila muling makasama ng kani-kanilang mga pamilya.
