Photo: Pampanga PIO
Dalawang araw matapos pormal na buksan sa publiko, naitala ng Pampanga Provincial Hospital-Clark (PPH-C) ang kaniyang kauna-unahang matagumpay na panganganak ngayong Sabado, Mayo 16.
Sinalubong ng mga doktor, nars, at mga staff ng bagong ospital ang pagsilang ng isang malusog na sanggol na pinangalanang Baby Sky, na isinilang ng kaniyang inang si Eloisa na residente ng Mabalacat City.
Ang makasaysayang unang panganganak sa pasilidad ay naganap ilang araw lamang matapos itong personal na pasinayaan at iinspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Huwebes, Mayo 14.
Ang PPH-C ang kauna-unahang ospital ng pamahalaan na itinayo sa loob mismo ng Clark Freeport Zone. Ang tatlong palapag na Level II healthcare facility na ito ay matatagpuan sa IE-5, Changi Gateway, Clark Global City sa Pampanga.
Isang magandang balita para sa mga manggagawa at residente ang pagkakabuo ng ospital na ito sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Pampanga Provincial Government, Department of Health (DOH), at ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).
Pangunahing layunin ng bagong pagamutan na magbigay ng abot-kaya at de-kalidad na serbisyong medikal—kabilang ang zero-balance billing—para sa mga manggagawa sa loob ng Clark, mga indigent o mahihirap na Kapampangan, at maging ang mga residente mula sa iba’t ibang bahagi ng Central Luzon.
