Rehas na bakal ang bagsak ng isang 32-anyos na Iranian national matapos itong arestuhin ng mga awtoridad nang makuhaang nagbebenta ng mga pekeng gold bar at manakot gamit ang ilegal na baril nang mabisto ang kaniyang modus nitong Biyernes ng gabi, Mayo 15.
Sa ulat ni Makati City Police Station Chief P/Col. Pedro A. Alagano Jr. kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver C. Cinco, kinilala ang suspek sa alyas na “Saeid,” isang dayuhang nagpapakilalang seller ng ginto at mga mamahaling orasan.
Batay sa imbestigasyon, nagka-transaksyon ang suspek at ang mga biktima dakong alas-11:10 ng gabi sa loob ng isang tanggapan ng korporasyon sa isang hotel sa Barangay Poblacion.
Ibinebenta umano ng suspek ang 60 piraso ng ginto na nagkakahalaga ng Php18,660,000.00.
Matapos matanggap ang milyun-milyong bayad, bumalik ang suspek bitbit ang isang black hard lock case na naglalaman ng mga kable ng ginto at mga kaakibat na certificates of authenticity.
Gayunpaman, nang isailalim ito ng mga biktima sa timbang at gold solution testing, laking gulat ng mga ito nang madiskubring peke ang lahat ng ginto.
Nang konpontahin ang dayuhan at hingin pabalik ang pera, bigla umanong bumunot si Saeid ng isang Smith & Wesson caliber 9mm pistol at tinutukan ang mga biktima at testigo upang huwag magsumbong sa pulisya.
BASAHIN: Buwaya sa Valenzuela, nasagip
Dito na nagkaroon ng matinding agawan at suntukan sa pagitan ng magkabilang panig hanggang sa tuluyang ma-restrain o madagganan ng mga biktima ang suspek bago dumating ang mga rumespondeng tauhan ng Makati CPS.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 60 piraso ng pekeng ginto, 60 pekeng certificates, ang ginamit na 9mm na baril na kargado ng pitong bala, gold solution, weighing scale, at isang iPhone 16 Pro Max.
Dahil walang maipakitang legal na dokumento para sa kaniyang baril, nadagdagan pa ang kaniyang kaso.
Nahaharap ngayon ang dayuhan sa patong-patong na reklamong Swindling (Estafa), Grave Threats, Grave Coercion, Falsification of Documents, at paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa Makati City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni SPD Chief Gen. Cinco ang mabilis na pag-aksyon ng Makati Police. “Ipinapakita ng tagumpay na ito ang seryosong kampanya ng SPD laban sa mga dayuhang sangkot sa transnational fraud at mga armadong krimen upang mapanatiling ligtas ang ating komunidad,” aniya.
