Photo: DENR-NCR
Isang pambihirang uri ng buwaya na itinuturing na pinaka-endangered sa buong mundo ang matagumpay na nasagip ng mga awtoridad matapos mamataan ng mga residente sa mga katubigan ng lungsod na ito.
Sa opisyal na pahayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) National Capital Region, mabilis na rumesponde ang City Veterinary Services Office (CVSO) at ang Compliance Monitoring and Enforcement Office ng DENR Metropolitan Environmental Office (MEO)–North matapos makatanggap ng ulat mula sa mga concerned citizen ukol sa presensya ng isang Philippine freshwater crocodile (Crocodylus mindorensis).
Batay sa inisyal na pagsusuri ng mga eksperto, nasa mabuting kalagayan ang buwaya. Sa aktwal na sukat, umabot ito sa pitong piye at tatlong pulgada (7’3″) ang haba at may bigat na 70 kilo.
Upang matiyak ang kaligtasan at mabigyan ng sapat na pangangalaga, agad na dinala ang hayop sa Biodiversity Management Bureau – Wildlife Rescue Center para sa masusing obserbasyon at rehabilitasyon bago ito tuluyang ibalik sa kaniyang natural na tirahan.
BASAHIN: VP Sara sa PMA graduates: ‘Huwag mayanig sa mga banta’
Ang Philippine freshwater crocodile, na mas kilala rin sa tawag na Mindoro crocodile o lokal na tinatawag na “bukarot,” ay isang uri ng buwaya na matatagpuan lamang sa Pilipinas. Ito ay kilala sa buong mundo bilang ang pinakamadalas maubos at pinakadirang uri ng crocodilian sa daigdig, kung saan tinatayang kulang sa 140 indibidwal na lamang ang natitira sa ligaw (wild).
Kasalukuyan itong nakalista bilang Critically Endangered sa IUCN Red List, matapos bumagsak ng halos 95% ang populasyon nito sa pagitan ng taong 1937 at 2012 dahil sa pangangaso at pagkasira ng kanilang tirahan.
Muling nagpaalala ang DENR sa publiko na ang pagpatay o pag-aalaga ng mga endangered wildlife ay mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Wildlife Resources Conservation and Protection Act (Republic Act No. 9147).
Ang sinumang mapatunayang lalabag ay maaaring harapin ang mabigat na multa at parusang pagkabilanggo. Hinimok din ng ahensya ang publiko na agad ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan kung may makikitang kahina-hinalang bentahan o pagkakaroon ng mga ganitong uri ng hayop sa kanilang komunidad.
