Photo: PIA
Tahasang ipinaalala ngayon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 207 nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) “Talang Dangal” Class of 2026 na ang kanilang katapatan ay dapat manatili sa Saligang Batas at sa mamamayang Pilipino, at hindi sa sinumang indibidwal o interes sa pulitika.
Sa kaniyang talumpati sa commencement exercises sa Borromeo Field sa Fort Del Pilar ngayong Sabado, binigyang-diin ng Pangulo na ang papel ng mga makabagong sundalo ay lumalampas na sa tradisyunal na pakikipaglaban.
Inihatid ng Pangulo ang isa sa pinakamagiting na mensahe sa seremonya nang sabihan niya ang mga kadete na huwag kailanman itatali ang serbisyo militar sa mga personalidad o partidong politikal.
“Habang nanunumpa kayo ngayon, tandaan ninyo na ang inyong katapatan ay wala sa anumang interes sa pulitika, wala sa sinumang indibidwal, at wala sa anumang lumilipas na ideolohiya,” ani Marcos. “Ang inyong katapatan ay dapat palaging manatili sa Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas.”
BASAHIN: Sumbong mo, may pabuya: ‘Writ of Quitam’ laban sa mga korap, isinusulong ni ex-SC Justice Azcuna
Binalaan din niya ang bagong henerasyon ng mga opisyal laban sa mga makabagong banta sa seguridad, kabilang ang cyberwarfare, disimpormasyon, agresyon sa teritoryo, mga kalamidad dulot ng climate change, at ang mga puwersang naglalayong maghasik ng pagkakawatak-watak at magpahina sa tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.
Hinikayat din ng Punong Ehekutibo ang mga nagtapos na isabuhay ang tanyag na Honor Code ng akademya sa buong duration ng kanilang karera sa militar.
“Huwag magsinungaling. Huwag mandaya, huwag magnakaw, at huwag kailanman tolerahin ang mga gumagawa nito,” mariing paalala ng Pangulo. “Dahil ang pananahimik sa harap ng kamalian ay pagtataksil sa inyong mga pinahahalagahan, pagtataksil sa inyong bansa, at pagtataksil sa mismong mga prinsipyo na inyong sinumpaang ipagtatanggol.”
Ang pangalan ng klase na “Talang Dangal” ay nangangahulugang “Tagapagtanggol ng Lahing Dakila at Marangal,” na ayon kay Marcos ay sumasalamin sa uri ng lideratong inaasahan sa kanila. Ang klase ay binubuo ng 142 na kalalakihan at 65 na kababaihan.
Ipinagmalaki rin ng Pangulo na bagamat sumailalim ang klase sa lumang kurikulum ng Bachelor of Science in Management and Security Studies, sumabak na ang mga ito sa mga makabagong disiplina gaya ng data science, Python programming foundations, artificial intelligence (AI), electronic warfare, at unmanned systems.
Ang mga bagong kaalamang ito ay bahagi ng modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) habang inililipat ang pokus sa territorial defense at mga makabagong banta sa seguridad. Ang buong reporma sa kurikulum ay inaasahang ipatutupad para sa PMA Class of 2029.
Tinapos ng Pangulo ang kaniyang mensahe sa pagkilala sa mga sakripisyo, pagdududa, at pangungulila sa pamilya na tiniis ng mga kadete sa loob ng apat na taon, at pormal na ibinahagi sa kanila ang tungkulin sa pagtataguyod ng isang ligtas at matatag na “Bagong Pilipinas.”
