Isang bagong “legal weapon” ang iminumungkahi ngayon upang bigyan ng kapangyarihan ang mga ordinaryong mamamayan na ireklamo ang mga korap na opisyal ng gobyerno at makakuha pa ng kaukulang pabuya o “balato” mula sa mababawing nakaw na yaman.
Isinusulong ni dating Supreme Court Associate Justice Adolf Azcuna ang pagpapatibay sa tinatawag na “Writ of Quitam.”
Sa ilalim ng mekanismong ito, papayagan ang mga pribadong mamamayan na magsampa ng demanda laban sa mga tiwaling opisyal na may nakaw na yaman (ill-gotten wealth).
Bilang insentibo, ang sinumang indibidwal na makakatulong sa pamahalaan upang mabawi ang mga ninakaw na pondo o ari-arian ng bayan ay makakatanggap ng pabuya na katumbas ng 10 hanggang 15 porsyento (10-15%) ng kabuuang halagang marereber ng gobyerno.
BASAHIN: Senate Sergeant-at-Arms pinatawan ng 6 buwan preventive suspension
Ayon kay Azcuna, layunin ng panukala na paigtingin ang laban ng bansa laban sa sistematikong korapsyon at itaguyod ang pananagutan sa serbisyo publiko.
Sa ilalim ng konseptong ito, maaaring direktang kumilos at maghain ng legal na aksyon ang isang pribadong mamamayan kung mabibigo ang Department of Justice (DOJ) na umaksyon sa loob ng 60 araw matapos silang naitip o napaalalahanan tungkol sa naganap na anomalya.
Ipinaliwanag ng retiradong mahistrado na ang “Writ of Quitam” ay hango sa Federal False Claims Act ng United States. Sa Amerika, pinahihintulutan ang mga pribadong indibidwal na magdemanda sa ngalan ng pamahalaan laban sa mga kumpanya o opisyal na nasasangkot sa panloloko o korapsyon.
Bukod sa naturang writ, ipinanukala rin ni Azcuna ang paglulunsad ng isang “National Citizens’ Summit to Fight Systemic Corruption and Ensure Good Governance.”
Layon nitong pag-isahin ang mga civil society groups, business leaders, simbahan, at iba pang sektor upang bumuo ng mga reporma para sa transparency.
Inspirasyon aniya rito ang matagumpay na national summit noong 2007 laban sa extrajudicial killings na pinangunahan ng Korte Suprema, na naging daan naman sa pagsilang ng sikat na Writ of Amparo.
Naniniwala si Azcuna na ang ganitong malawakang alyansa ng iba’t ibang sektor ang susi upang mawakasan ang malalim na ugat ng korapsyon at maibalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.
