Kalaboso ang isang 50-anyos na Danish national matapos itong ireklamo ng isang lodging establishment dahil sa hindi pagbabayad ng kaukulang bill at umano’y paninira ng kagamitan sa loob ng kaniyang silid sa Barangay 19, Pasay City nitong Mayo 14, 2026.
Batay sa ulat, nag-check-in ang dayuhan noong gabi ng Mayo 13 sa isang hotel sa Atayde Street, Domestic Road, Salem Complex.
Bago ang kaniyang nakatakdang check-out, humiling ang suspek ng extension hanggang alas-4:00 ng hapon na may kasunduang babayaran ang dagdag na charges.
Gayunpaman, nang magsagawa ng inspection ang hotel personnel matapos ang extension, tumambad sa kanila ang sirang safety box sa loob ng kwarto.
Nadiskubre rin na nilabag ng dayuhan ang “no-smoking policy” ng hotel na may kaukulang penalty.
Umabot sa kabuuang P5,300.00 ang siningil ng management para sa extension, pinsala sa gamit, at mga multa.
Sa kabila ng pagbibigay ng sapat na oras upang makapagbayad, mariin umanong tumanggi ang suspek.
BASAHIN: Bedridden patay sa nakasinding kandila (Trahedya sa gitna ng brownout)
Dahil dito, isinagawa ng hotel security ang isang citizen’s arrest bago itinurn-over ang dayuhan sa rumespondeng pulisya mula sa Pasay City Police Station.
Nahaharap ngayon ang Danish national sa mga kasong paglabag sa Article 315 (Estafa/Non-Payment) at Article 327 (Malicious Mischief) sa ilalim ng Revised Penal Code.
Kasalukuyan na siyang sumasailalim sa inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor.
Nagpaalala naman si NCRPO Regional Director PMGEN Anthony A. Aberin na anuman ang nasyonalidad, lahat ay inaasahang susunod sa mga batas at obligasyon sa loob ng bansa.
“NCRPO remains committed to swift and responsive police service habang tinitiyak na ang mga reklamo ay natutugunan nang propesyonal at naaayon sa due process,” pahayag ni PMGEN Aberin.
