Rehas ang kinahantungan ng isang 53-anyos na secretary at office staff matapos itong arestuhin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) dahil sa umano’y pagnanakaw ng mahigit P1.5 milyong halaga ng alahas at mamahaling gamit mula sa kanyang amo na isang abogado.
Isinagawa ang pag-aresto dakong alas-6:30 ng gabi noong Mayo 11 sa loob mismo ng Citiplaza 1 Commercial Complex sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City.
Ayon sa biktima, noon pang 2025 niya napapansing paunti-unting nawawala ang kanyang mga mahahalagang gamit sa loob ng kanyang residence at law office.
Dahil ang suspek ay may regular na access sa mga secured areas ng opisina at bahay, naging pangunahing suspek ito sa imbestigasyon.
Lalong nabaon sa ebidensya ang suspek matapos madiskubre ang pagkawala ng mga bagong items gaya ng Omega watch, tennis bracelet, Tiffany bracelet, at Cartier bangle.
Sa isinagawang internal inquiry, nabuking na may hawak na “spare key” ang suspek na saktong bumukas sa steel cabinet kung saan nakatago ang mga alahas.
Kabilang sa mga iniulat na nawawala na nagkakahalaga ng P1,535,000 ay ang diamond earrings, cartier necklaces at bangles, Prada bags, Omega watch at iba pang bracelets
Sa ngayon, nananatiling unrecovered o hindi pa narereposisyon ang mga nasabing gamit.
BASAHIN: Trillanes, ‘perfect fit’ sa DILG imbes na si Jonvic? — Atty. Jesus Falcis
Nagpaalala si NCRPO Regional Director PMGEN Anthony A. Aberin sa publiko na maging mapagmatyag kahit sa mga taong pinagkakatiwalaan sa trabaho o tahanan. Aniya, anumang pag-abuso sa tiwalang ibinigay para sa kriminal na layunin ay hindi palalampasin ng batas.
Nahaharap na ang suspek sa kasong Qualified Theft (Violation of Article 310 ng Revised Penal Code) na inihahanda na para sa inquest sa Quezon City Prosecutor’s Office.
