Isang dambuhalang kargamento ng mga hinihinalang puslit na sigarilyo at raw tobacco materials na nagkakahalaga ng P3.3 bilyon ang nadiskubre ng Bureau of Customs (BOC) sa isang container yard sa Agusan del Norte nitong Mayo 8.
Ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng BOC – Port of Surigao sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa smuggling at palakasin ang proteksyon sa mga hangganan ng bansa.
Bitbit ang Letter of Authority (LOA) mula kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, katuwang ang Philippine National Police (PNP), sinalakay ng team ang nasabing lugar upang berepika ang nilalaman at dokumentasyon ng mga kargamento.
Sa inisyal na inspeksyon, natuklasan ang 52 container vans na naglalaman ng mga kahon ng iba’t ibang brand ng sigarilyo gaya ng Red at Menthol Modern, Carnival, Nise Baisha, Commando, Gold H&P, Delta, GJB-FH, BR Centro, Centro, Bossku, at TS Cigarettes, habang dalawa pang container vans ang natagpuang puno ng mga raw tobacco materials.
Ayon sa mga awtoridad, may mga indikasyon na galing sa ibang bansa ang mga kargamento base sa container numbers nito. Sa gitna ng inspeksyon, bigo ang mga kinatawan ng kumpanya na magpakita ng proof of payment para sa duties at taxes, maging ng import permits at shipping documents.
Agad na pinadlak (padlocked) ng BOC ang lahat ng 54 na container van upang masiguro ang integridad ng mga ebidensya. Kasalukuyan itong nasa ilalim ng 24-oras na pagbabantay ng Customs Police mula sa Enforcement and Security Service (ESS) ng Port of Surigao, sa tulong ng PNP.
“Ang operasyong ito ay repleksyon ng aming matibay na commitment na tugisin ang mga ilegal na tobacco shipments at tiyakin na ang lahat ng kalakal na pumapasok sa bansa ay deklarado at sumusunod sa batas,” pahayag ni Commissioner Nepomuceno.
Patuloy pa ang isinasagawang imbentaryo at pagsusuri upang matukoy ang eksaktong dami, halaga, at mga kaukulang kasong isasampa laban sa mga consignee ng nasabing kargamento.
