TODAS ang isang babae matapos paulanan ng bala ng hindi pa kilalang mga suspek na sakay ng isang kotse sa Navotas City, Sabado ng gabi.
Kagaad nalagutan ng hininga sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si alyas “Nicky”, 22-anyos at residente ng Barangay 128, Tondo, Manila.
Batay sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, nangyari ang insidente dakong alas-11:45 ng gabi sa kahabaan ng R-10, Sitio Sto Puting Bato, Brgy. NBBS Proper.
Sa pahayag sa pulisya ng mga saksi sa insidente, hinahabol umano ng mga suspek na sakay ng itim na kotseng Sedan ang tumatakbong biktima sa nasabing lugar habang pinapaulanan ng bala.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi nabatid na direksyon habang nakuha ng pulisya sa crime scene ang pitong basyo ng bala at isang depormadong bala mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Patuloy naman ang follow-up operation ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan ng mga suspek upang maaresto ang mga ito habang inaalam pa ang motibo sa pamamaslang.
