Ramdam na ang epekto ng tensyon sa Middle East sa merkado ng paggawa sa Pilipinas matapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagkawala ng mahigit 350,000 trabaho nitong Marso.
Ang matinding pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ang itinuturong pangunahing dahilan kung bakit napilitang huminto sa operasyon ang maraming manggagawa sa bansa.
Sa press briefing nitong Miyerkules, Mayo 6, inihayag ni National Statistician Claire Dennis S. Mapa na bumaba ang bilang ng mga may trabaho sa 49.1 milyon mula sa 49.4 milyon noong nakaraang buwan.
Pinaka-apektado ang sektor ng pangingisda at aquaculture na nawalan ng 420,000 trabaho.
Ayon kay Mapa, mas pinili ng maraming maliliit na mangingisda na manatili na lamang sa pampang kaysa pumalaot dahil sa sobrang mahal ng krudo na hindi na kayang tapatan ng kanilang kikitain.
Bukod sa pangingisda, nakapagtala rin ng malaking bawas sa trabaho ang iba pang sektor kung saan nanguna ang domestic at personal wellness services na nawalan ng halos 300,000 manggagawa dahil sa pagtitipid ng mga sambahayan.
Sinundan ito ng sektor ng manufacturing na may 217,000 bawas sa trabaho, habang ang human health at social work naman ay nabawasan ng 154,000, at ang finance at insurance activities na nakapagtala ng 116,000 na nawalan ng hanapbuhay.
Sa kabila ng bawas sa bilang ng mga manggagawa, ang unemployment rate ay naitala sa 5.0%, mas mababa nang bahagya sa 5.1% noong Pebrero, ngunit mas mataas kumpara sa 3.9% noong Marso ng nakaraang taon. Ang antas na ito ay nasa itaas na dulo ng target ng gobyerno para sa 2026-2028 na 4% hanggang 5%.
Ayon kay Secretary Arsenio M. Balisacan ng Department of Economic Planning and Development (DEPDev), ang krisis sa langis dulot ng gulo sa Middle East ay malaking hadlang sa katatagan ng negosyo sa bansa.
Bilang tugon, bibilisan ng gobyerno ang pamamahagi ng fuel subsidies para sa mga sektor ng transportasyon, pagsasaka, at pangingisda gamit ang mga e-wallet at digital platforms.
Samantala, naglatag din ang pamahalaan ng mga tulong-pinansyal upang maibsan ang hirap ng mga apektadong sektor.
Kabilang dito ang pagpapatupad ng anim na buwang grace period sa mga bayad sa loan at isang taong deferral para sa mga utang sa agrikultura.
Bukod dito, nagbukas din ng mga lending program ang Land Bank at DTI na layuning magbigay ng puhunan at suporta para sa mga maliliit na prodyuser sa bansa.
Bagaman nananatiling matatag ang labor market para sa China Banking Corp. Research, nagbabala sila na ang paghina ng kumpiyansa ng mga negosyo at pagpapatigil sa mga plano para sa expansion ay nananatiling banta na maaaring magresulta sa mas marami pang pagkawala ng trabaho sa mga susunod na buwan.
