Nauwi sa selda ang dalawang lalaki matapos silang mahulihan ng mga ilegal na baril sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Valenzuela at Caloocan City kamakailan.
Sa Valenzuela City, mabilis na dinakip ng mga tauhan ng Sub-Station 7 ang isang 20-anyos na suspek sa Barangay Bignay matapos itong ireklamo ng grave threat.
Base sa ulat, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang suspek at ang biktima dahil sa isang nawawalang cellphone. Sa gitna ng away, bigla umanong bumunot ng .38 caliber revolver ang suspek at nagbanta na papatayin ang biktima.
Dahil sa takot, agad na humingi ng saklolo sa pulisya ang biktima na nagresulta sa pag-aresto sa suspek ilang minuto lamang ang nakalipas. Nakuha sa posesyon nito ang baril na walang serial number, mga bala, at isang sling bag.
Samantala, isang 35-anyos na lalaki naman ang nasakote ng Intelligence Section sa Barangay 186, Caloocan City, sa ilalim ng “Oplan Bulabog-Galugad.”
Nabatid na nagsasagawa ng anti-criminality operation ang mga awtoridad nang mahulihan ang suspek ng isang .38 caliber revolver na nakasukbit sa holster nito. Nabigo ang suspek na magpakita ng anumang legal na dokumento o lisensya para sa nasabing armas kaya agad itong binitbit ng mga pulis.
Pinuri ni Northern Police District (NPD) Director PBGEN Christopher R. Dela Cruz ang mga operating units sa kanilang mabilis na aksyon at pagpapatupad ng “F.I.G.H.T. C.R.I.M.E.S. strategy” upang mapanatili ang kaayusan sa rehiyon.
Ang dalawang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Bukod dito, nahaharap din sa reklamong Grave Threats ang suspek na naaresto sa Valenzuela.
