Ipinatigil ng Department of Transportation (DOTr) nitong Huwebes, Abril 30, ang pagtanggap o onboarding ng mga bagong driver sa mga app-based ride-hailing platforms matapos madiskubreng lumampas ang ilang kumpanya sa itinakdang limitasyon ng bilang ng mga driver.
Kasabay nito, naglabas din ng direktiba si Transportation Secretary Banoy Lopez na nagbabawal sa mga “on-the-spot” at “same-day” driver onboarding activities hangga’t walang nakukuhang pormal na pag-apruba mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Paglilinaw naman ng DOTr, ang mga kumpanyang mayroon pang validong franchise o provisional authority ay maaari pa ring magpatuloy sa pag-onboard ng kanilang mga driver alinsunod sa batas.
Kasalukuyan nang pinag-aaralan ng kagawaran ang mga posibleng multa at parusa para sa mga kumpanyang napatunayang lumabag sa prescribed limits para sa Transportation Network Vehicle Service (TNVS) at mga motorcycle taxi drivers.
Ayon sa DOTr, lumitaw ang mga discrepancy o pagkakaiba sa bilang ng mga motorcycle taxi drivers na aktibo sa kalsada kumpara sa mga opisyal na ulat na isinumite ng mga ride-hailing firms. Nadiskubre ito sa gitna ng rollout ng cash aid ng gobyerno nitong nakaraang Abril para sa mga tsuper na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Matatandaang inatasan ang mga TNVS companies na magsumite ng listahan ng kanilang mga rehistradong driver sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pamamahagi ng ayuda.
Gayunpaman, sa mismong araw ng distribusyon, maraming driver ang hindi nakasama sa listahang ibinigay ng kanilang mga kumpanya—isang isyung agad na pinuna ni DSWD Secretary Rex Gatchalian. Dahil dito, mas hihigpitan na ngayon ng DOTr ang monitoring sa mga platform companies upang matiyak na sumusunod sila sa tamang regulasyon at hindi nalalamangan ang kanilang mga partner-drivers.
