Kalaboso ang isang 39-anyos na lalaki matapos itong positibong makilala sa CCTV at maaresto ng mga barangay tanod kasunod ng naganap na panghohold-up sa Brgy. Inarawan, Antipolo City nitong Martes ng gabi, April 28, 2026.
Kinilala ang suspek na si alias “Jelito”, residente ng Old Boso-Boso, Brgy. San Jose, habang ang biktima naman ay si alias “Allysa”, 20-anyos.
Batay sa imbestigasyon, naglalakad ang biktima malapit sa Vineleaf Resort bandang alas-11:00 ng gabi nang biglang sumulpot ang suspek at tinutukan siya ng baril. Ayon sa ulat, nagpahayag ang suspek ng: “Hold-up, akin na gamit mo, pag sumigaw ka babarilin kita”.
Dahil sa takot, ibinigay ng biktima ang kanyang bag bago tumakas ang suspek nang maglakad lamang. Tinangay mula sa biktima ang isang asul na Jansport backpack at isang yunit ng Realme C30 mobile phone na nagkakahalaga ng P6,500.
Kinaumagahan, April 29, nagtungo ang biktima sa barangay hall upang suriin ang mga CCTV footage kung saan malinaw niyang nakilala ang salarin. Positibo ring kinilala ng mga Barangay Tanod ang suspek na nagresulta sa mabilis na pagkakadakip sa kanya sa isang follow-up operation.
Ang pag-aresto ay isinagawa nina BPSO Wilfredo Dispabeladero, Erwin Batac, at Artemio Sablayan. Matapos dalhin sa Rizal Provincial Hospital para sa medical examination, ang suspek ay itinurn-over sa PCP 2 at kasalukuyang nakadetine sa Antipolo City Custodial Facility habang inihahanda ang kaukulang kaso.
