Pansamantalang pinagbawalan na makalabas ng bansa si Senador Francis Joseph “Chiz” Escudero matapos aprubahan ng Sandiganbayan 6th Division ang hiling na Precautionary Hold Departure Order (PHDO) ng Office of the Ombudsman ngayong Lunes, Abril 27.
Ang kautusan ay nag-ugat sa kinakaharap na mga reklamo ng senador para sa kasong plunder, graft, at bribery. Kasama rin sa nasabing PHDO ang negosyanteng si Maynard Ngu, na kilalang kaibigan at campaign donor ni Escudero.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla sa isang panayam noong Sabado, Abril 25, hiniling nila ang travel ban bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa mga seryosong akusasyon laban sa mambabatas.
Nakaladkad ang pangalan ni Escudero sa tinaguriang “flood control scandal” matapos lumabas sa imbestigasyon na si Lawrence R. Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development Inc., ang naging “top donor” ng senador noong 2022 elections.
Sa testimonya ng state witness at dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, pormal niyang inakusahan si Escudero na tumanggap umano ng kickback na nagkakahalaga ng ₱160 milyon. Isinalaysay ni Bernardo na siya mismo ang naghatid ng nasabing halaga kay Ngu para sa pakinabang ng senador.
Matapos ma-raffle ang kahilingan noong Sabado, agad na nagsagawa ng pagdinig ngayong Lunes ang 6th Division sa ilalim ng pamumuno ni Associate Justice Sarah Jane Fernandez.
Ang PHDO ay nagsisilbing limitasyon sa paglalakbay ng sinumang indibidwal na sumasailalim sa isang aktibong reklamo sa piskalya upang matiyak na hindi sila makakatakas habang umuusad ang proseso ng batas. Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ni Senador Escudero hinggil sa desisyong ito ng anti-graft court.
