Tinuldokan na ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang matagal nang kumakalat na usap-usapan na nag-uugnay sa kanya sa aktres na si Kim Rodriguez. Sa isang panayam, mariing itinanggi ng gobernador na nagkaroon sila ng romantikong relasyon.
Muling uminit ang isyu sa social media dahil sa mga alegasyong lihim umanong magkarelasyon ang dalawa, kung saan nadamay pa ang mga claim na sinusuportahan ng gobernador ang aktres at niregaluhan pa ito ng isang luxury car.
Sa naging panayam sa ‘Kay Susan Tayo Vlogs’ ni Susan Enriquez, direktang tinanong ang gobernador tungkol sa tunay na estado nila ng aktres.
“Nakilala ko po siya,” pagkumpirma ni Fernando nang tanungin kung kilala niya sa personal si Rodriguez. Ngunit nang sundutin ng tanong kung naging girlfriend ba niya ito, mabilis ang naging sagot ng gobernador: “Hindi po.”
Nilinaw rin ni Fernando na hindi sila humantong sa pagkakaroon ng “mutual understanding.” Nang tanungin kung malapit ba silang magkaibigan, tumatawa itong sumagot ng, “Female friend!”
Ayon sa gobernador, ang mga tsismis ay nag-ugat lamang sa mga litratong kumalat online noong Mayo 2025 kung saan makikitang may hawak na bouquet ng bulaklak ang aktres habang nakaakbay siya rito, at may dilaw na luxury car sa background. Ayon kay Fernando, ginamit lamang ang mga larawang ito ng kanyang mga kalaban sa politika upang gumawa ng intriga.
Mariin din niyang pinabulaanan ang mga bali-balita na nagbibigay siya ng mamahaling regalo o pinansyal na suporta, kabilang ang kumalat na kwentong nakatanggap umano ang aktres ng ₱1 milyon mula sa kanya.
Samantala, nananatiling tahimik si Kim Rodriguez sa gitna ng mga malisyosong komento sa kanyang social media accounts. Sa isang pagkakataon sa TikTok, nang may mag-comment ng “Dedma sa basher basta may daniel fernando,” maikli lamang ang naging sagot ng aktres: “Pikit.”
