Pagod ka na ba sa “National” Press Club na tila ang sakop lang ay mula Monumento hanggang Baclaran (at konting bahagi ng Luzon)? Huwag mag-alala, dahil handa nang “ikalawit” ni Edwin Moreno ang pagbabago.
Sa isang matapang na hakbang na tila ba mas matalim pa sa kanyang kolum, isinusulong ni Edwin “Kalawit” Moreno, kabilang sa Independent Candidate para sa Board of Director (BOD), ang repormang magpapatunay na ang salitang “National” sa NPC ay hindi lang pampaganda ng header sa stationery.
Ayon kay Kalawit, napansin niyang sa tagal niya sa NPC, tila naging exclusive club na lamang ito ng mga taga-Metro Manila. Kaya naman ang kanyang unang hirit: Nasyunalisasyon.
Plano niyang magtayo ng NPC sa bawat kanto ng bansa—mula sa mga bundok ng Mindanao hanggang sa mga isla ng Visayas—upang masiguro na hindi lang mga taga-Maynila ang nakakakuha ng “proteksyon” at “kilala” bilang Ika-4 na Estado. Sa madaling salita, gagawin niyang totoong National ang NPC, hindi ‘Regional Press Club of Intramuros.’ Hik hik hik!
Dahil alam ni Kalawit na ang bulsa ng mga mamamahayag ay madalas mas tuyot pa sa tinta ng ballpen, ang kanyang pasabog na resolusyon: 50% Discount sa Monthly Dues! Sino ba naman ang ayaw ng kalahating presyo? Sa panahong lahat ay nagmamahal (maliban sa sweldo ng reporter), ito ang repormang siguradong magpapakislap sa mata ng mga kasapi.
Hindi lang basta “hard-hitting” sa kolum si Kalawit, gusto niya ring “hard-hitting” ang benepisyo. Dahil tila limitado ang kasalukuyang educational programs, balak niyang “kalawitin” ang TESDA at CHED para sa scholarship ng mga miyembro at kanilang mga anak.
At para sa mga reporter na madalas ay high-blood sa deadline at sa gobyerno, isusulong niyang maging mandatory ang PhilHealth. SSS? Pag-IBIG? Isama na lahat ‘yan! Gusto ni Kalawit na ang reporter ay hindi lang protektado ang panulat, kundi protektado rin ang kidney at baga. Araykupo!
Sa gitna ng namamayagpag na fake news at mga “vlogger-journalist” na bigla na lang sumusulpot, nais din ni Moreno na ayusin ang recruitment. Hindi na pwedeng basta-basta; kailangan ng malinaw na pamantayan bago makasali sa hanay ng mga tunay na tagapagbalita.
“Sa darating na Mayo 1 at 3, samahan po ninyo ako na magkaroon ng katuparan ang mga pangarap na ito,” aniya, habang tila ba inihahanda na ang kanyang mahiwagang “kalawit” para bunutin ang mga lumang kalakaran sa NPC.
Abangan kung tuluyan nga bang “makakalawit” ni Moreno ang silya sa BOD, o kung mananatili na lamang tayong nangangarap ng PhilHealth habang nagbabayad ng full-price na monthly dues.
