Photo Credit: Engelbert Apostol/FB
Muling napatunayan ng Quezon City ang kanilang kahusayan sa larangan ng makabago at makabuluhang komunikasyon matapos itong humakot ng apat na malalaking parangal sa ginanap na 20th UP ComBroadSoc Gandingan Awards sa University of the Philippines Los Baños.
Pinangunahan ang tagumpay ng pagkilala kay Quezon City Mayor Joy Belmonte bilang Gandingan ng Kalikasan dahil sa kanyang mga programa para sa kapaligiran.
Kinatawan ng Majority Floor Leader na si Councilor Aly Medalla ang alkalde sa nasabing gabi ng parangal dahil sa kasabay na mahalagang komitment ng opisyal.
Bukod sa pagkilala sa alkalde, tatlong pangunahing communication campaigns ng Public Affairs and Information Service Department o PAISD ang nagwagi sa iba’t ibang kategorya.
Nakamit ng LoveLaban sa Diliman Pride Month Celebration ang parangal bilang Most Development-Oriented Gender Transformative Program, habang ang Special Report: Model Barangays naman ang itinanghal na Most Development-Oriented Short-Form Video Series. Hindi rin nagpahuli ang seryeng May Forever sa QC: Sakay sa Electric Bus na nagwagi bilang Most Development-Oriented Photograph/Photo Story sa likha ni Blaise de Castro.
Ayon sa pamunuan ng PAISD, ang tagumpay na ito ay nagsisilbing balidasyon sa kanilang sinimulang makabagong paraan ng komunikasyong pangkaunlaran na lumilihis sa mga tradisyonal o de-kahon na diskarte sa impormasyon.
Matatandaang noong nakaraang taon ay nakasungkit na rin ang grupo ng dalawang parangal, ngunit ang apat na tropeyong naiuwi ngayong taon ay nagpapatunay na kayang makipagsabayan ng mga Local Government Units sa malalaking media outfits at outfits sa bansa.
Binigyang-diin din ng kagawaran na ang tagumpay ng mga LGU tulad ng Quezon City at Bacnotan, La Union sa nasabing awards ay isang hamon at inspirasyon para sa lahat ng public communicators.
Sa gitna ng talamak na disimpormasyon, misinformation, at pagdami ng mga trolls sa online platforms, nananatiling prayoridad ng QC PAISD ang paghahatid ng tapat at de-kalidad na impormasyon sa ilalim ng gabay at pamumuno ni Mayor Joy Belmonte.
