Pormal nang inaresto ng Quezon City Police District (QCPD) ang driver ng police mobile na nasangkot sa isang kamakailang road crash incident nitong Sabado, Abril 25, 2026.
Ayon kay QCPD Director PBGEN Randy Glenn Silvio, isinagawa ang pag-aresto dakong alas-12:00 ng tanghali sa loob ng PNP General Hospital (PNPGH) sa Camp Crame, Quezon City.
Matapos ang insidente, isinailalim ang nasabing driver sa Alcohol Breath Analyzer (ABA) test na nagpakita ng negatibong resulta, ngunit agad din itong isinangguni para sa inquest proceedings.
Nahaharap na ngayon ang pulis na driver sa mga kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide, Multiple Physical Injuries, at Damage to Property sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Samantala, iniulat din ng QCPD na nananatiling naka-confine sa Quezon City General Hospital (QCGH) ang isang Person Under Police Custody (PUPC) na kabilang sa mga biktima matapos itong sumailalim sa serye ng operasyon.
Sa kasalukuyan, nasa stable na kondisyon na ang pasyente ngunit patuloy na binabantayan ng mga doktor, habang nagpaabot na rin ang QCPD ng financial assistance para sa mga gamot at laboratory tests nito.
Binigyang-diin ni PBGEN Silvio na hindi nila kukunsintihin ang anumang pagkukulang at titiyaking mananagot ang dapat managot sa nangyaring trahedya.
“Tinitiyak namin sa publiko na masusunod ang tamang proseso ng batas at itataguyod namin ang pananagutan sa insidenteng ito,” pahayag ng heneral.
Dagdag pa niya, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga pamilya ng mga biktima upang magbigay ng kinakailangang tulong at monitoring sa kalagayan ng mga nasugatan.
