Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) sa posibleng pagtama ng isang “super” El Niño sa huling bahagi ng taon, na inaasahang magpapalubha sa pasanin ng mga magsasaka na iniinda na ang mataas na presyo ng petrolyo at farm inputs.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., hindi na matatawaran ang banta ng panibagong dry spell sa bansa.
“It is no longer a question whether we will experience another El Niño after the 2024 episode that undermined rice harvest. The only question that needs to be answered is its intensity,” pahayag ng kalihim nitong Biyernes.
Base sa ulat ng PAGASA, may 92-percent probability ng moderate hanggang strong El Niño sa ika-apat na quarter ng 2026, kung saan ang ilang climate models ay nagtuturo pa sa isang “super” El Niño na may pag-init na aabot sa 2.2 degrees Celsius.
Dahil dito, inatasan na ni Tiu Laurel ang mga opisyal ng Masagana Rice Industry Development Program na maglatag ng mga contingency plan.
Kabilang sa mga hakbang ay ang paglilipat sa mga pananim na hindi matakaw sa tubig gaya ng munggo at ang mabilis na paglalatag ng solar-powered irrigation systems upang maibsan ang epekto ng tagtuyot sa mga pangunahing sakahan.
Sa kabilang banda, nagbigay naman ng katiyakan ang Philippine Sugar Millers Association (PSMA) na sapat ang suplay ng asukal sa bansa sa kabila ng banta ng El Niño at gulo sa Middle East.
Sinabi ni PSMA Executive Director Jesus Barrera na matatag ang kanilang imbentaryo base na rin sa datos ng Sugar Regulatory Administration.
“The latest SRA data validates that industry inventories are robust and well-positioned. We are operating from a position of strength, with sufficient supply to cover foreseeable demand,” ani Barrera.
Dagdag pa niya, prayoridad ng industriya na panatilihing matatag at “predictable” ang merkado para sa kapakanan ng mga prodyuser at mamimili.
Sa kabila ng positibong ulat sa asukal, nananatiling naka-alerto ang DA dahil na rin sa matinding pinsalang tinamo ng sektor noong 2024 na umabot sa P57.78 bilyon.
Ang recalibration ng planting strategies at pakikipag-ugnayan sa National Irrigation Administration ang nakikitang susi ng ahensya upang hindi na maulit ang malaking pagbagsak sa ani ng palay at livestock sa bansa.
