Mariing binatikos ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang sistema ng pamamahagi ng tulong pinansyal sa ilalim ng mga programang “Bawat Barangay Makikinabang” at “Bawat Bayan Makikinabang,” kasunod ng mga ulat ng diskriminasyon at umano’y korapsyon sa paglalabas ng pondo.
Naghain ng resolusyon ang mambabatas sa Kamara de Representantes upang himukin ang Office of the President (OP) na imbestigahan ang ulat na ginagamitan ng pulitika ang distribusyon ng pampublikong pondo.
Sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Batangas noong Biyernes para iabot ang Socio-Civic Projects Fund (SCPF), ibinunyag ni Leviste na nasa 84 na barangay mula sa kanyang distrito ang sadyang hindi inimbitahan.
Ayon kay Leviste, base sa impormasyon mula kay Panlalawigang Liga ng mga Barangay President Fernando Rocafort, hindi isinama ang mga naturang kapitan dahil umano sa “tampo” ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto. Ito ay matapos umanong mabigong dumalo ang mga nasabing opisyal sa isang naunang pagpupulong kasama ang gobernadora.
“Kaya ang tampo ay talagang napakababaw na bagay na kung hindi ka magmano, kung hindi ka magsisipsip sa mga pulitiko sa lokal na pamahalaan… ay hindi sila kasama sa bigayan ng ayuda ng presidente,” pahayag ni Leviste.
Bukod sa diskriminasyon, binanggit din sa resolusyon ni Leviste ang mga ulat ng umano’y hiling na “commission” o kickback kapalit ng pag-apruba sa funding allocations. Binigyang-diin ng mambabatas na hindi dapat ituring na tila personal na “pork barrel” ng mga lokal na opisyal ang ayuda dahil ito ay galing sa buwis ng mamamayan.
Dahil dito, nanawagan siya sa Pangulo na ibigay ang nararapat na ₱200,000 pondo para sa mga barangay na hindi naimbita bago matapos ang araw.
Bilang bahagi ng kanyang panawagan para sa transparency, iginiit ni Leviste na isapubliko ang eksaktong halagang natanggap ng bawat munisipalidad at barangay sa ilalim ng programa at isuspinde ang Excise Tax at VAT sa langis habang hindi pa naiaayos ang “maling sistema” ng pamamahagi ng ayuda para direktang mapakinabangan ng taumbayan.
Bagama’t ang resolusyon ay nagsisilbing opisyal na posisyon lamang ng Kamara at hindi direktang makakapuwersa sa Office of the President, layon nitong magsilbing babala laban sa paggamit ng tulong ng gobyerno para sa pansariling interes sa pulitika.
