Photo Credit: Meralco/FB
Mariing pinabulaanan ng Manila Electric Company (Meralco) ang mga kumakalat na maling impormasyon sa social media hinggil sa umano’y “karagdagang” singilin sa kuryente, at ipinaliwanag na ang mga ito ay mga ‘pass-through costs’ lamang na itinakda ng pamahalaan.
Sa isang opisyal na pahayag, binigyang-diin ng Meralco na ang mga nasabing bayarin ay hindi napupunta sa bulsa ng mga distribution utilities gaya ng Meralco, taliwas sa mga alegasyong kumakalat online.
Ayon kay Meralco Vice President for Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga, malinaw at transparent na nakadetalye sa electricity bill ang bawat bahagi at singilin upang malaman ng mga konsyumer kung saan napupunta ang kanilang ibinabayad.
Ipinaliwanag ni Zaldarriaga na ang mga charges na ito ay kinabibilangan ng mga mandated cross subsidies at mga buwis na direktang ipinapasa at ibinabayad sa gobyerno sa pamamagitan ng mga kaukulang ahensya. Dagdag pa niya, ang mga ito ay ipinatutupad sa lahat ng distribution utilities at electric cooperatives sa buong bansa at hindi eksklusibo sa Meralco lamang.
Kabilang sa mga tinutukoy na subsidies ay ang Senior Citizens discount, Lifeline Rate discount para sa mga benepisyaryo ng 4Ps, Feed-in Tariff Allowance, at Green Energy Auction Allowance.
Nilinaw ng opisyal na ang mga ito ay hindi kumpanya ang nagtakda kundi mga mandatong idinisenyo upang suportahan ang mga bulnerableng sektor at mapabilis ang paglipat ng bansa sa paggamit ng mas malinis na enerhiya.
Kasabay nito, tiniyak din ng Meralco ang kanilang pagsunod sa mga regulatory orders pagdating sa mga refund, na makikita bilang hiwalay na line item sa bill ng mga customer at ipinatutupad ayon sa inaprubahang timeline ng regulator.
Hinimok naman ng pamunuan ang mga customer na may mga katanungan o paglilinaw tungkol sa kanilang bill na makipag-ugnayan sa kanilang mga customer service touchpoints para sa tamang impormasyon at tulong.
