SA pagdiriwang ng ika-25 Anibersaryo ng pagiging lungsod ng Malabon, hinikayat ni Mayor Jeannie Sandoval ang mga Malabueño na isabuhay ang diwa ng “bayanihan” para sa kapakanan ng bawat miyembro ng komunidad sa gitna ng patuloy na krisis sa enerhiya na nakaaapekto sa iba’t ibang lungsod sa buong bansa.
Ayon sa alkalde, bagamat patuloy na nakaaapekto sa pang-araw-araw na buhay ang mga hamon tulad ng pagtaas ng presyo ng krudo at mga suliranin sa kuryente, ang lakas ng Malabon ay nakasalalay sa sama-samang pagkilos at kooperasyon ng mamamayan nito.
“Kasabay ng ating ipinagdiriwang ang ating ika-25 anibersaryo bilang isang lungsod, nais nating ipaalala sa ating mga kababayan ang diwa ng pagkakaisa—ang bayanihan—na bahagi na ng ating kultura bilang mga Malabueño at bilang mga Pilipino: pagtutulungan, pagmamahalan, kababaang-loob, pag-iintindi, at malasakit sa kapwa. Sa gitna ng krisis sa enerhiya, higit nating kailangan ang pagtutulungan. Ang diwa ng bayanihan ang magsisilbing lakas natin upang malampasan ang anumang pagsubok,” sabi ni Mayor Sandoval.
Binigyang-diin niya na nananatiling maagap ang pamahalaang lungsod sa pagpapatupad ng mga contingency measures upang matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mga pangunahing serbisyo, habang hinihikayat din ang mga residente na makibahagi sa pamamagitan ng pagtitipid ng enerhiya at pagtulong sa komunidad.
Inilunsad ang ilang mga programa sa ilalim ng Walang Tulugan Serbisyo Caravan kabilang ang pagpapalabas ng ikalawang tranche ng Malabon Ahon Blue Card financial assistance para sa mahigit 93,000 kabahayan; Mega Job Fair para sa mga residenteng naghahanap ng trabaho; at isang buwang Malabon Pasalubong Trade Fair, na nagpo-promote ng mga produkto ng lokal micro, small, at medium enterprises para palakasin ang lokal na ekonomiya.
Nag-deploy din ang lungsod ng mga serbisyong mobile tulad ng Mobile Shower, Mobile Laundry, Mobile Water, at Charging Station; nagsagawa ng first aid at pagsasanay sa kaligtasan; at namahagi ng tulong pinansyal at mga pensiyon sa mga senior citizen at mga taong may kapansanan.
Ang mga hakbangin na ito ay nakahanay sa Lucky 9-Point Agenda ng alkalde, na nakatutok sa pagpapanatili ng paglago ng ekonomiya at pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng bawat Malabueño.
Matatandaang naging highly urbanized city ang Malabon sa pamamagitan ng Republic Act 9019, na inakda ni First Gentleman at Congressman Ricky Sandoval sa kanyang termino bilang kinatawan ng lungsod.
Binigyang-diin naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete ang kahalagahan ng katatagan at pagkakaisa habang ipinagdiriwang ng Malabon ang milestone year na ito, na nagpapaalala sa mga residente na ang pag-unlad ng lungsod sa nakalipas na 25 taon ay itinayo sa ibinahaging pagsisikap at tiyaga. (JUVY LUCERO)
