ARESTADO ang 24-anyos na construction worker nang pagbantaan at tutukan ng baril ang lalaking napagtanungan lang niya ng hinahanap na tao sa Valenzuela City, Biyernes ng madaling araw.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, mahahaharap sa kasong Threat at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek.
Sa ulat ni Col. Talento kay NPD Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, alas-2:00 ng madaling araw nang makasalubong ng biktimang si alyas Jojo ang suspek sa Barangay Ugong na nagtanong ng impormasyon hinggil sa taong hinahanap.
Nang sabihin ni ‘Jojo’ na hindi niya kilala ang hinahanap, nagalit umano ang suspek sabay bunot ng baril at tinutukan ang biktima na sa takot ay kumaripas ng takbo hanggang makahingi ng tulong sa pulisya.
Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng Police Sub-Station 8 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nakumpiska sa kanya ang isang gun replica. (JUVY LUCERO)
