Nagbubunyi man ang mga fans sa inaabangang balik-tambalan nina Coco Martin at Julia Montes, nabalot ngayon ng matinding espekulasyon ang seryeng ‘Sigabo’ matapos mapaulat na hindi na umano bahagi ng cast ang aktres.
Naging sentro ng talakayan ang isyung ito sa programang ‘Cristy Ferminute’, kung saan ibinahagi ni Cristy Fermin ang mga katanungan ng publiko hinggil sa biglang pagkawala ni Julia sa mga pinakabagong promotional materials ng serye.
Ayon kay Fermin, maugong ang usap-usapan sa loob at labas ng showbiz na ang dahilan ng pagkakatanggal o pagpapalit kay Julia ay dahil sa muli nitong pagdadalang-tao. Binanggit din ng batikang host ang naging pahayag noon ni Willie Revillame na tila nagpapatibay sa “open secret” na relasyon at pamilya ng dalawa.
“Ang daming nagtatanong bakit wala na sa teaser si Julia Montes sa Sigabo ni Coco Martin? May mga lumabas na materyales na magkasama sila, magkaeksena bakit biglang wala na?” ani Fermin sa kanyang programa.
Sa kabila ng ingay, mabilis namang itinanggi ng Cornerstone Entertainment, ang management team ni Julia, ang mga balitang nagdadalang-tao ang aktres. Gayunpaman, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ng aktres o ang produksyon ng ‘Sigabo’ kung bakit ito nawala sa mga teaser at kung sino ang papalit sa kanyang karakter.
Kasabay ng pagkawala ni Julia sa proyekto, lumulutang ang mga unconfirmed reports na ang Action Drama Queen na si Angel Locsin ang posibleng humalili sa nabakanteng role.
Bagamat wala pang kumpirmasyon, lalong naging maugong ang usapan dahil sa tagal na ring hindi napanonood si Angel sa telebisyon.
Sa kasalukuyan, nananatiling tahimik sina Coco Martin at Julia Montes hinggil sa isyu. Inaasahan ng mga fans ang pormal na paglilinaw mula sa Dreamscape Entertainment o sa pamunuan ng ABS-CBN upang matuldukan ang mga haka-haka sa tunay na estado ng “Coco-Julia” reunion project. (MADS REYES)
