Nalansag ng Southern Police District (SPD) ang isang malaking network ng ilegal na droga matapos ang isinagawang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakumpiska ng mahigit P91 milyong halaga ng hinihinalang shabu at iba’t ibang uri ng armas kagabi, April 9, 2026.
Sa operasyong ikinasa dakong 6:28 ng gabi sa Brgy. Sun Valley, naaresto ang limang suspek na kinilalang mga “High-Value Individuals” (HVI).
Kabilang sa mga dinakip ay sina alias “Bossing,” 35; alias “James,” 49, na isang resigned member ng PNP; alias “Jezreel,” 29; alias “Hazel,” 25; at alias “Ricardo,” 48.
Ayon sa ulat ng District Drug Enforcement Unit (DDEU-SPD), nakuha sa mga suspek ang tinatayang 13.389 kilo ng hinihinalang shabu at limang lalagyan ng liquid crystalline substance.
Ang kabuuang Standard Drug Price ng mga nasamsam na droga ay umaabot sa P91,045,200.00.
Bukod sa droga, nasamsam din sa hideout ng mga suspek ang dalawang caliber .45 pistol, isang Bushmaster rifle, boodle money at cash na nagkakahalaga ng P319,950 gayundin ang ba’t ibang communication devices
Pinuri ni Acting District Director PCOL Glenn Oliver C. Cinco ang koordinasyon ng iba’t ibang unit kabilang ang PDEA at mga lokal na istasyon ng pulisya.
Binigyang-diin niya na ang tagumpay na ito ay patunay na walang sindikato ang hindi kayang abutin ng batas.
“Ang operasyong ito ay nagpapadala ng malinaw na mensahe—walang drug syndicate ang hindi natin maaabot. Patuloy na tutugisin ng Southern Police District ang mga nagpapakalat ng ilegal na droga at titiyakin nating mananagot sila sa ilalim ng batas,” pahayag ni PCOL Cinco.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang mga suspek para sa inquest proceedings. Inihahanda na ang mga kaukulang sakdal laban sa kanila para sa paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
