Sugatan ang nasa dalawampu’t apat (24) na tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) matapos silang pagbabatuhin ng mga residente sa gitna ng isang clearing operation sa NIA Road, Barangay Pinyahan, kahapon, April 9, 2026.
Base sa ulat sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN Randy Glenn Silvio, naganap ang insidente dakong ala-1:40 ng hapon nang pumalag ang ilang residente sa nasabing operasyon. Sa gitna ng tensyon, pinagbabato ng mga debris ang mga rumespondeng pulis na nagresulta sa pagkasugat ng 22 lalaki at dalawang babaeng opisyal na noo’y tumutupad lamang sa kanilang tungkulin na panatilihin ang kaayusan.
Agad namang nilapatan ng paunang lunas ang lahat ng sugatang tauhan at kasalukuyan nang sumasailalim sa kaukulang atensyong medikal.
Pinuri ni PBGEN Silvio ang ipinamalas na katapangan, disiplina, at propesyonalismo ng kanyang mga tauhan na nanatiling tapat sa pagpapatupad ng “maximum tolerance” sa kabila ng tahasang probokasyon at panganib sa kanilang buhay.
Ayon sa District Director, ang nangyaring insidente ay isang paalala ng sakripisyo ng mga nasa unipormadong serbisyo, lalo na’t kasabay ito ng pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan.
“Sa bawat pulis na nasa field, ipinapakita nila ang pinakamataas na pamantayan ng disiplina. Ang kanilang dedikasyon ay sumasalamin sa tunay na diwa ng serbisyo at sakripisyo, at sisiguruhin natin ang kanilang kapakanan at proteksyon,” pahayag ni PBGEN Silvio.
Muli ring nanawagan ang QCPD sa publiko na makiisa at sumunod sa mga legal na operasyon ng pulisya upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng buong komunidad.
