Tiniyak ng kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang kanilang suporta sa proseso ng Office of the Ombudsman habang binibigyang-diin na walang matibay na ebidensyang nag-uugnay sa mambabatas sa kontrobersyal na flood control mess.
Sa isang pahayag nitong Lunes, Abril 6, 2026, sinabi ng abogado ni Romualdez na si Atty. Ade Fajardo na batid nila ang mga ulat kung saan binanggit ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang posibleng pagsasampa ng kasong plunder laban kay Romualdez at dating Senate President Francis Escudero sa darating na Mayo 2026.
Nilinaw ni Fajardo na ang mga ulat ay tumutukoy lamang sa naiulat na paghahanda ng reklamo at wala pang pormal na kasong naisasampa, wala pang finding ng probable cause, at wala pang pagtatakda ng pananagutan sa kasalukuyan.
Ayon sa abogado, iginagalang nila ang proseso ng Ombudsman at ganap na makikipagtulungan kung magsisimula na ang pormal na pagdinig.
Binigyang-diin din niya na hanggang ngayon ay walang ebidensyang nag-uugnay kay Romualdez sa anumang ghost o substandard projects na may kaugnayan sa flood control projects.
Nagtitiwala ang kampo na ang usapin ay mareresolba base sa ebidensya at due process, at hindi base sa politika o espekulasyon.
Nagsimula ang masusing imbestigasyon sa isyung ito matapos kondenahin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address ang mga opisyal at kontraktor na tumatanggap umano ng kickbacks mula sa flood control projects.
Ang iskandalong ito ang naging dahilan ng balasahan sa liderato ng Kongreso noong 2025, kung saan pinalitan ni Sen. Vicente Sotto III si Escudero bilang Senate President, habang si Isabela Rep. Faustino Dy III naman ang naging Speaker matapos bumaba sa pwesto si Romualdez noong Setyembre 17, 2025 upang bigyang-daan ang isang independent commission na mag-imbestiga.
Bagama’t idinawit ng mag-asawang Discaya ang pangalan ni Romualdez bilang isa sa mga mambabatas na tumanggap umano ng kickbacks, nananatili ang paninindigan ng kanyang mga kaalyado na walang matibay na ebidensyang nag-uugnay sa kanya sa anomalya.
Pinabulaanan din ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang mga pahayag na inirekomenda na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagsasampa ng kaso laban sa dating Speaker, at sinabing ang mga dokumentong ipinasa ng komisyon sa Department of Justice ay hindi naglalaman ng anumang rekomendasyon para kasuhan si Romualdez.
