Magandang balita para sa mga mamimili. Inanunsyo ni Trade Secretary Cristina Roque nitong Miyerkules na walang magaganap na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin (basic necessities) at prime commodities hanggang sa April 30.
Ang bagong petsang ito ay pagpapalawig ng dalawang linggo mula sa naunang itinakdang April 16. Ayon kay Roque, ang hakbang na ito ay tugon sa patuloy na epekto ng tensyon sa Middle East na nagpapataas sa presyo ng petrolyo.
Ipinaliwanag ng kalihim sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay na ang desisyon ay nabuo matapos ang pakikipagpulong sa mga manufacturer nitong nagdaang Lunes.
“Noong nakaraang linggo, ang anunsyo ay hanggang April 16 lang, pero nagpulong kami noong Lunes kasama ang mga manufacturer at binigyan nila tayo hanggang April 30 na walang price increase,” ani Roque.
Dagdag pa niya, posibleng paraan na rin ito ng mga kumpanya upang makatulong sa mga konsyumer, bukod sa may sapat pa silang imbentaryo sa mga supermarket kaya wala pang dagdag na gastos sa lohistika.
Sakop ng price hold ang 205 produkto na nasa listahan ng Department of Trade and Industry (DTI) stockkeeping units.
Kabilang dito ang mga delata (canned goods), tinapay, bottled water, kandila at sabong panlaba. (detergents)
Pinayuhan ni Roque ang publiko na tingnan ang opisyal na listahan ng DTI upang malaman kung aling mga brand at produkto ang hindi dapat nagmamahal ang presyo.
Gayunpaman, wala pang katiyakan kung palalawigin pa ito pagkatapos ng April 30.
Nilinaw ng DTI na bagama’t idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang state of national energy emergency, wala itong kaakibat na awtomatikong price freeze.
Sa ilalim ng Republic Act No. 7581 (Price Act), ang awtomatikong pagkontrol sa presyo ay ipinapatupad lamang sa ilalim ng state of calamity o katulad na deklarasyon.
Sa halip na sapilitang pagpigil, pinili ng gobyerno ang “targeted measures” at pakikipag-ugnayan sa mga manufacturer upang maagapan ang implasyon nang hindi na kailangang magpatupad ng pormal na price freeze.
