Umani ng batikos mula sa mga miyembro ng Kamara de Representantes ang naging hakbang ni Bise Presidente Sara Duterte na hilingin sa Korte Suprema (SC) na itigil ang nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa kanya.
Ayon kay Akbayan Party-list Rep. Percival Cendaña, ang petisyon ni Duterte ay malinaw na indikasyon ng pag-iwas nito sa pananagutan.
“Ang Bise Presidente na gipit, sa Korte Suprema kumakapit,” ani Cendaña sa isang ambush interview sa Batasang Pambansa nitong Miyerkules.
Dagdag pa ng mambabatas, tila “desperado” na ang kampo ng Bise Presidente dahil sa takot na lumabas ang mga ebidensya at katotohanan hinggil sa mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds (CF), pananakot sa mga opisyal, at panunuhol sa mga nasasakupan.
Mariin din itong kinondena ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, miyembro ng House Committee on Justice. Ayon sa kanya, ang petisyon ni Duterte ay isang pagtatangka na iligaw ang publiko at ang Mataas na Hukuman gamit ang maling interpretasyon ng Konstitusyon.
Matatandaang iginiit ni Duterte sa kanyang petisyon noong Martes na unconstitutional at dapat ideklarang void ab initio (walang bisa sa simula) ang mga reklamo laban sa kanya dahil lumabag umano ang mga ito sa one-year ban rule.
Depensa naman ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng legal team ni Duterte, layon lamang ng kanilang petisyon na linawin kung sumusunod ba sa 1987 Constitution ang proseso at hindi para takasan ang paglilitis.
Sa kabila nito, mabilis ang naging usad ng komite matapos ituring na “non-answer” ang naunang paliwanag ni Duterte, kaya naman dumeritso na ang mga mambabatas sa pagtukoy kung may sapat na basehan ang mga reklamo.
Sa kasalukuyan, nag-isyu na ang Kamara ng mga subpoena para sa mga dokumento at testigo, kabilang ang pagpapatawag sa Ombudsman para sa SALN ng Bise Presidente.
Nakatutok din ang komite sa testimonya ng dating aide na si Ramil Madriaga, na nag-akusa kay Duterte ng paggamit ng pondo sa personal na interes.
Nakatakda ang susunod na mga krusyal na pagdinig sa darating na Abril 14, 22, at 29 upang tuluyang himayin ang mga ebidensya laban sa pangalawang pangulo.
