Nakapagtala ng pagbaba sa antas ng unemployment sa bansa para sa buwan ng Pebrero, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Miyerkules.
Mula sa 5.8 porsyento noong Enero—na itinuturing na isa sa mga pinakamataas na antas simula noong panahon ng pandemya—bumaba ang unemployment rate sa 5.1 porsyento.
Ang nasabing pagbaba ay katumbas ng humigit-kumulang 2.66 milyong Pilipino na walang trabaho, mas mababa kumpara sa 2.96 milyon na naitala noong nakaraang buwan.
Ayon sa PSA, kasabay ng pagbaba ng bilang ng mga walang hanapbuhay ay ang pagtaas ng labor force participation rate sa 63.8 porsyento o katumbas ng 52.09 milyong Pilipino.
Mas mataas ito kumpara sa 62.3 porsyento o 50.89 milyon na naitala noong Enero, na nagpapakita na mas maraming Pilipino ang aktibong naghahanap o pumasok sa workforce.
Bahagya ring umangat ang employment rate ng bansa na nasa 94.9 porsyento na ngayon, o katumbas ng 49.43 milyong Pilipino na mayroong trabaho.
Samantala, bumaba rin ang underemployment rate sa 11.8 porsyento mula sa nakaraang buwan.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 5.84 milyong Pilipino ang itinuturing na underemployed o yaong mga may trabaho na ngunit nagnanais pa ng karagdagang oras ng pagtatrabaho o dagdag na pagkakakitaan upang mapataas ang kanilang kita.
Mas mababa ito kaysa sa 6.35 milyong naitala noong Enero.
