Personal na nagtungo sa tanggapan ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang isang babaeng opisyal ng pulisya upang pormal na sampahan ng reklamong administratibo si PCOL Marlon Ventura Rufo, ang kasalukuyang Police Provincial Director ng Batangas.
Batay sa isinumiteng sworn affidavit ng complainant, nahaharap si Rufo sa mga reklamong grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer. Nakasaad sa reklamo ang serye ng mga insidente na naganap umano sa pagitan ng Pebrero at Marso 2026 sa loob mismo ng mga pasilidad ng pulisya habang nasa oras ng tungkulin.
Inakusahan ng biktima ang mataas na opisyal ng unwelcome physical contact at inappropriate remarks. Mga aksyong nagdulot ng labis na trauma at pagkabalisa sa complainant.
Ayon pa sa affidavit, ginamit umano ng respondent ang kanyang posisyon at awtoridad upang pagsamantalahan ang biktima, na naglalabas ng seryosong usapin hinggil sa abuse of power at kaligtasan sa loob ng pinagtatrabahuhan sa hanay ng PNP.
Kinumpirma ng NAPOLCOM na nasa ilalim na ng kanilang hurisdiksyon ang kaso at sasailalim sa kaukulang administrative proceedings base sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Binigyang-diin ng Komisyon na bibigyang-prayoridad at itatrato nang may kaukulang pag-iingat, patas na paglilitis, at urgensya ang mga kasong kinasasangkutan ng mga kababaihang naka-uniporme.
“Ang pamumuno ay dapat laging nakaangkla sa pananagutan at moral na awtoridad,” pahayag ng NAPOLCOM sa isang press statement.
Muli ring pinaalalahanan ng Komisyon ang lahat ng miyembro ng Philippine National Police (PNP) na panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo, respeto, at integridad sa lahat ng pagkakataon.
