Nakatakdang maging krusyal ang katapusan ng Abril para sa legal na laban ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Inaasahang ilalabas ng pre-trial chamber ang desisyon nito sa Abril 22 kung tutuloy ang kaso sa isang ganap na paglilitis o trial.
Ang nasabing petsa ang magdidikta kung sapat ang ebidensyang inihain ng prosekusyon upang patunayan na mayroong “substantial grounds” na si Duterte ang nasa likod ng mga pagpatay bilang isang indirect co-perpetrator.
Kung magdedesisyon ang korte na ituloy ang trial, posibleng sa huling bahagi pa ng 2026 magsimula ang mga pagdinig upang bigyan ng sapat na panahon ang lahat ng panig na makapaghanda.
Bukod sa mismong trial, maglalabas din ng desisyon ang appeals chamber sa naturang petsa hinggil sa jurisdictional challenge ni Duterte.
Ito ang itinuturing na pinakamalakas na argumento ng depensa dahil kumalas na ang Pilipinas bilang miyembro ng ICC dalawang taon bago ang pormal na imbestigasyon.
Matatandaang natalo si Duterte sa isyung ito noong Oktubre 2025 nang panindigan ng pre-trial chamber na may hurisdiksyon pa rin ang korte dahil nangyari ang mga diumano’y krimen noong miyembro pa ang bansa.
Sa kasalukuyan, nakabitin ang pinal na pasya sa mga kamay ng limang judge, kung saan tinitingnan sina Judge Akane ng Japan at Judge Damdin ng Mongolia bilang mga “swing votes” na magdedesisyon sa kahinatnan ng apela.
Lumalabas ang mga ruling na ito sa gitna ng matinding krisis sa loob ng ICC habang nahaharap sa imbestigasyon si Chief Prosecutor Karim Khan dahil sa alegasyon ng sexual misconduct.
Bagama’t may mga ulat na hindi nakitaan ng basehan ang mga akusasyon ng isang judicial panel, iniulat naman ng Reuters at Wall Street Journal na itinutuloy ng Bureau of the Assembly of States Parties ang mga aksyong pandisiplina laban sa kanya.
Sa kabila ng kontrobersiyang ito, tiniyak ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang na anuman ang maging resulta ng probe kay Khan ay hindi makakaapekto sa integridad at takbo ng kaso laban sa dating pangulo ng Pilipinas. (LIMUEL TOLENTINO)
