Nagbababadya ang isang dambuhalang oil price hike sa susunod na linggo kung saan tinatayang aabot sa P170 ang bawat litro ng diesel.
Ito ay bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan habang pumapasok na sa ikalawang buwan ang tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon sa mga source nitong Biyernes, inaasahang tataas ang presyo ng diesel ng P17 hanggang P19 kada litro simula sa Abril 7, habang ang gasolina naman ay may taya na P3 hanggang P5 na dagdag-presyo.
Ang nakaambang taas-presyo ay mas malaki kumpara sa ipinatupad nitong nakaraang linggo na naglaro lamang sa P4.50 hanggang P12.90 para sa diesel at P1 hanggang P2.90 para sa gasolina.
Base sa datos ng Department of Energy mula nitong Marso 24 hanggang 30, ang presyo ng regular diesel ay kasalukuyang nasa P105 hanggang P131.90, habang ang premium diesel ay pumapalo na sa P140.20.
Ang gasolina naman ay naglalaro sa P84 hanggang P111.10 kada litro. Dahil sa lumalalang krisis sa Middle East, patuloy ang pressure sa supply ng langis na nagreresulta sa mga dambuhalang umento na labis na makaaapekto sa mga tsuper at sa sektor ng transportasyon sa bansa.
