Nagbabala si Senator Sherwin Gatchalian nitong Miyerkules, Marso 25, na posibleng maubusan ng supply ng langis ang Pilipinas kung magpapatuloy ang krisis sa Middle East, sa kabila ng mga kasiguraduhang ibinibigay ng ehekutibo.
Sa ginanap na Kapihan sa Senado media forum, iginiit ni Gatchalian na ang pinakamalalang senaryo ay ang tuluyang kawalan ng langis sa bansa, isang bagay na aniya ay hindi malayong mangyari dahil sa kawalan ng matatag na supply.
Ang pahayag ng senador ay tugon sa naging testimonya ni Energy Secretary Sharon Garin sa unang pagdinig ng Senate ad hoc committee on the Middle East crisis o PROTECT.
Ayon kay Garin, bagama’t ang pagkaubos ng langis ang “worst-case scenario,” malabong mangyari ito dahil gumagawa ng paraan ang gobyerno para makahanap ng alternatibong mapagkukunan.
Naniniwala ang kalihim na ang tunay na hamon ay ang pagtaas ng presyo na dapat ay handang bayaran ng publiko at ng pamahalaan.
Gayunpaman, minaliit ni Gatchalian ang planong paglalaan ng ₱20 bilyon para pambili ng dalawang milyong bariles ng diesel.
Ayon sa senador, ang nasabing bulto ng langis ay tatagal lamang ng humigit-kumulang limang araw, kaya itinuturing niya itong isang “band-aid solution” lamang.
Binigyang-diin niya na kailangan ng bansa ng mga “firm supply contracts” o konkretong pangako mula sa ibang mga gobyerno upang matiyak ang sapat na supply ng enerhiya.
Dahil dito, muling iminungkahi ni Gatchalian ang pagsasagawa ng “government-to-government negotiations” sa halip na iasa lamang ang solusyon sa corporate level.
Naniniwala siya na kailangan na ng direktang interbensyon ng pamahalaan kung saan ang Department of Foreign Affairs at Department of Energy ang dapat manguna sa pakikipag-ugnayan sa ibang bansa upang makakuha ng matatag na kasunduan sa supply ng langis.
