Matagumpay na nailipat sa kustodiya ng mga awtoridad sa South Korea nitong Miyerkules, Marso 15, ang itinuturing na “drug lord” na si Park Wang-yeol matapos ang isinagawang temporary extradition mula sa Pilipinas.
Si Park, na kasalukuyang nagsisilbi ng 60 taong pagkabilanggo sa Pilipinas dahil sa kasong triple homicide, ay dinala pabalik sa kanyang bansa upang harapin ang mga akusasyon ng pagpapatakbo ng isang malaking narcotics ring mula sa loob mismo ng kulungan.
Ang paglilipat kay Park ay nag-ugat sa naging kahilingan ni South Korean President Lee Jae-myung kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nakaraang summit meeting ng dalawang lider ngayong buwan.
Sa ilalim ng kasunduan ng dalawang bansa, pansamantalang ititigil ang pagsisilbi ng sentensya ni Park sa Pilipinas upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa South Korea hinggil sa pagpupuslit ng malalaking bulto ng iligal na droga at pakikipagsabwatan sa mga kasama nito sa bansa.
Bagama’t tumanggi ang mga opisyal na magbigay ng detalye sa eksaktong halaga ng operasyon ni Park, lumabas sa mga lokal na ulat sa South Korea na tinatayang aabot sa 60 kilo ng methamphetamine ang naipapamahagi nito buwan-buwan, na may street value na 30 bilyong won o katumbas ng $20 milyon.
Ayon sa South Korean Foreign Ministry, mahalagang mapaharap sa paglilitis si Park upang hindi pamarisan ng ibang kriminal ang kanyang ginawang pagpapatakbo ng iligal na aktibidad habang nakakulong sa ibang bansa.
Base sa ulat nina Justice Ministry official Lee Ji-yeon at police official Yoo Seung-ryeol, dalawang beses nang nakapuga si Park sa kulungan sa Pilipinas dahil sa umano’y mahinang superbisyon sa mga preso.
Binigyang-diin din nila na ang pagkakaroon ng mga smuggled na mobile phone sa loob ng bilangguan ang naging daan upang maipagpatuloy ni Park ang kanyang operasyon.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si President Lee kay Pangulong Marcos para sa nasabing extradition at mariing nagbabala na hahabulin ng kanilang gobyerno hanggang sa dulo ng daigdig ang sinumang nagnanais na maminsala sa kanilang bansa. Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag ang pamahalaan ng Pilipinas hinggil sa ulat na ito.
