Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Miyerkules, Marso 25, ang Republic Act No. 12316 na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang suspindihin o babaan ang excise tax sa mga produktong petrolyo. Ang hakbang na ito ay tugon ng administrasyon sa patuloy na pagsipa ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado na bunsod ng lumalalang krisis sa Middle East.
Sa ilalim ng bagong batas, maaaring ipatupad ng Pangulo ang bawas-buwis kapag ang average na presyo ng Dubai crude oil ay umabot o lumampas sa $80 bawat bariles sa loob ng isang buwan. Nakasaad sa RA 12316 na ang anumang suspensyon ay magiging epektibo sa loob ng panahong hindi lalampas sa tatlong buwan, basta’t ang kabuuang itatagal ng suspensyon ay hindi hihigit sa isang taon sa loob ng isang calendar year.
Ang kapangyarihang ito ng Pangulo na pakialaman ang fuel excise tax ay maaari lamang gamitin hanggang sa huling araw ng Disyembre 2028. Gayunpaman, awtomatikong babalik ang excise tax sa orihinal nitong rate sa ilalim ng National Internal Revenue Code sa loob ng isang linggo matapos sertipikahan ng Department of Energy na bumaba na ang presyo ng Dubai crude sa $80 bawat bariles, o kaya naman ay matapos ang itinakdang tatlong buwan, alinman ang mauna sa dalawa.
Bilang bahagi ng pagbabantay sa presyo, inaatasan din ng batas ang lahat ng kumpanya ng langis na magsumite ng buwanang ulat sa Department of Energy tungkol sa mga cost component ng kanilang ibinebentang petrolyo habang umiiral ang suspensyon ng buwis.
Matatandaang mabilis na naipasa ang naturang panukala matapos itong sertipikahan bilang urgent ni Marcos noong Marso 16, kung saan agad itong inaprubahan ng Kamara sa araw ring iyon at sinundan ng Senado kinabukasan. Ang pormal na paglagda ng Pangulo sa batas ay naganap isang araw matapos niyang ideklara ang state of national energy emergency sa bansa.
