SELDA ang bagsak ng dalawang itinuturing na high-value individuals na kinilala sa mga alyas na Marco at Cecil matapos silang masakote sa isang malakihang buy-bust operation ng Cainta Municipal Police Station kagabi, Marso 24, 2026.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-10:30 ng gabi sa Vanguard Compound, Yellowbird Street, Anakpawis Floodway, Barangay San Juan, Cainta, Rizal, kung saan naging katuwang ng mga awtoridad ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Sa ulat ng Station Drug Enforcement Team, nakumpiska mula sa mga suspek ang anim na sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 75 gramo at may tinatayang halaga na Php510,000.
Bukod sa ilegal na droga, nakuha rin sa posesyon ng mga suspek ang isang Taurus caliber 9mm revolver na walang serial number, tatlong live ammunition, isang sling bag, coin purse, at ang ginamit na marked money na nagkakahalaga ng Php1,500 kasama ang Php2,500 na recovered money.
Ginamitan ng mga pulis ang operasyon ng alternative recording device para sa transparency ng pag-aresto.
Matapos mahuli, agad na binasahan ng kanilang mga karapatan ang mga suspek bago dinala sa Cainta Municipal Hospital para sa medical examination at kalaunan ay sa himpilan ng pulisya para sa tamang disposisyon.
