Bumuhos ang mga subpoena sa unang araw ng pagdinig ng House Justice Committee hinggil sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules, Marso 25.
Sa kabila ng hindi pagdalo ng Bise Presidente, inaprubahan ng komite ang sunod-sunod na mosyon upang obligahin ang ilang personalidad na tumestigo at utusan ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na ilabas ang mga dokumentong may kaugnayan sa malawakang imbestigasyon.
Kabilang sa mga ipinatawag ng komite si Ramil Madriaga, ang dating aide ni Duterte na nag-akusang naghatid siya ng mga bag ng pera na pinaniniwalaang confidential funds sa iba’t ibang indibidwal.
Kasama ring inimbita sina Atty. Cynthia Viñas-Pantonal na nagnotaryo sa affidavit ni Madriaga, si Gloria Camora mula sa Commission on Audit na sumuri sa mga gastusin ni Duterte, at si dating DepEd Undersecretary Michael Poa.
Kasabay nito, hiniling din ng komite ang mas mahigpit na proteksyon para kay Madriaga dahil sa banta sa kanyang buhay habang nasa loob ng Camp Bagong Diwa.
Naglabas din ng kautusan ang Kamara sa mga ahensya tulad ng Office of the Ombudsman, Bureau of Internal Revenue (BIR), Securities and Exchange Commission (SEC), at Philippine Statistics Authority (PSA) upang busisiin ang yaman at rekord ni Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio mula 2007 hanggang 2025.
Pinasisilip din ang mga rekord ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y banta ng Bise Presidente laban sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang pamilya, pati na ang mga sertipikasyon mula sa PSA upang kumpirmahin kung totoo ang mga pangalang isinumite sa liquidation reports ng OVP at DepEd.
Bagama’t naaprubahan ang karamihan sa mga mosyon, umani ito ng pagtutol mula kay Cagayan de Oro 2nd District Representative Rufus Rodriguez na tinawag ang imbestigasyon na isang “fishing expedition” dahil sa paghiling ng mga dokumentong labas na sa termino ni Duterte bilang bise presidente.
Tinawag din ni Rodriguez na “polluted source” si Madriaga, ngunit ang pahayag na ito ay ipinatanggal sa rekord sa mungkahi ni Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima.
Bago ang mga aksyong ito, gumugol muna ang komite ng mahigit dalawang oras sa pagtalakay ng mga panuntunan sa pagdinig.
Sa isang liham mula sa kanyang mga abogado, binigyang-diin ni Duterte na hindi siya dadalo dahil sa kawalan umano ng hurisdiksyon ng Kamara na magsagawa ng anumang uri ng paglilitis sa puntong ito.
Binatikos naman ni De Lima ang hakbang na ito at tinawag na kawalan ng respeto sa proseso ng komite.
Ang reklamong impeachment na kinakaharap ni Duterte ay nag-uugat sa mga alegasyon ng misuse of confidential funds, pambubulsa ng pondo, bribery sa mga opisyal ng edukasyon, at banta sa buhay ng Pangulo.
Mayroong 60 session days ang Kamara mula noong Pebrero 23 upang resolbahin ang kaso bago ito dalhin sa Senado para sa pormal na trial.
