Rehas ang kinahantungan ng isang incumbent vice mayor matapos itong maaresto sa isang isinagawang anti-drug operation ng mga awtoridad sa Barangay North Poblacion nitong Martes, Marso 17.
Kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Miyerkules ang pagkakaaresto sa 66-anyos na suspek na kinilala sa alyas na “Tata.” Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng isang search warrant sa Purok 3 ng nasabing barangay.
Sa ulat ng PDEA, nasamsam mula sa pag-iingat ng suspek ang limang heat-sealed plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang at nagkakahalaga ng mahigit P102,000; isang 9mm pistol na may magazine at 22 rounds ng live ammunition at dalawang mobile phone at iba’t ibang drug paraphernalia.
Nahaharap ngayon ang bise mayor sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa pagtatago ng ilegal na droga at mga kagamitan nito. Inaasahan ding magkakaroon ng karagdagang imbestigasyon hinggil sa nakuhang baril at bala.
Nagbigay ng katiyakan ang PDEA sa publiko na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga nang walang kinikilingan.
“Tinitiyak ng PDEA sa publiko na lahat ng indibidwal na sangkot sa ilegal na aktibidad ng droga, anuman ang posisyon o katayuan, ay pananagutin sa ilalim ng batas,” saad ng ahensya sa kanilang opisyal na pahayag.
Dagdag pa ng PDEA, mananatili silang matatag sa pagpapaigting ng mga operasyon sa buong bansa upang makamit ang mithiing maging “drug-free” ang Pilipinas sa ilalim ng bisyon ng Bagong Pilipinas.
