Isang matinding kontrobersya ang yumanig sa Department of Health (DOH) matapos ilantad ng isang dating opisyal na tinanggal siya sa pwesto dahil sa pagtuligsa sa umano’y maanomalyang procurement ng mga mobile clinics ng ahensya.
Sa isang liham na ipinadala kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Miyerkules, Marso 18, isiniwalat ni Dr. Greg Murillo, dating Undersecretary of Health for Mindanao, ang mga seryosong iregularidad sa ilalim ng pamumuno ni Health Secretary Ted Herbosa.
Ayon kay Murillo, sa 83 lalawigang pinamahagian ng Mobile Primary Care Facility (MPCF), lumalabas sa kanilang pagsusuri na 25 porsyento lamang ang gumagana o kayang magbigay ng serbisyong medikal gaya ng laboratory, diagnostic, at imaging services.
“Ang mga natuklasan sa ulat ay nagpapahiwatig ng malalim na antas ng kawalang-kahusayan, nasayang na mapagkukunan, at hindi natutugunang pangangailangang pangkalusugan ng mamamayang Pilipino,” anang pahayag sa liham.
Iginiit ni Murillo na sa kabila ng kanyang panawagan para sa “upgraded” na pasilidad at babala tungkol sa mga depektibong unit, inaprubahan pa rin umano ni Sec. Herbosa ang Terms of Reference (TOR) nang hindi isinasama ang mga kinakailangang pagbabago.
Matatandaang nitong Marso 6, isang reklamong graft ang isinampa ng ilang “concerned DOH employees” laban kay Herbosa sa Ombudsman. Ito ay may kaugnayan sa umano’y “rigging” o manipulasyon sa bidding ng mga MPCF na nagkakahalaga ng mahigit P1.8 bilyon.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang DOH o si Secretary Herbosa hinggil sa mga alegasyong ito ni Dr. Murillo.
